P14.4-M overpricing sa anti-COVID-19 meds at med supplies nabuking ng COA GOV. PINEDA SISILIPIN SA KORAPSYON

(NELSON S. BADILLA)

NADISKUBRE ng Commission on Audit (COA) ang posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Law ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga na pinamumunuan ni Governor Dennis Pineda dahil sa overpriced na P14.4 milyong halaga ng mga gamot at mga gamit sa paggagamot laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ayon sa COA, kailangang ipaliwanag ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga ang pagbili nito ng P14.14 milyong halaga ng mga gamot at mga kagamitan laban sa COVID-19 sa lalawigan.

Isa ang administrasyon ni Gobernador Pineda sa mga pamahalaang panlalawigan na kumilos at gumastos ng milyun-milyon upang makatugon laban sa COVID-19 na umatake sa bansa simula noong Marso ng nakaraang taon.

Si Pineda ay anak nina dating Pampanga Governor Lilia Pineda at Bong Pineda na nadikit ang pangalan sa jueteng sa Central Luzon at iba pang rehiyon sa bansa, hanggang National Capital Region (NCR).

Nagtayo ng kumpanya si Bong Pineda para sa online sabong na binigyan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng lisensiya upang makapag-operate.

Batay sa ulat ng COA para sa 2020 na naglabasan sa media, masyadong mataas ang halaga ng nabiling mga produkto ng administrasyon ni Pineda.

Tinumbok sa ulat na sobra ng P5.45 milyon kumpara sa price index na itinakda ng Department of Health (DOH).

Ayon sa COA, ang opisyal ng panlalawigang pamahalaan ng Pampanga ay hindi nakipag-usap at hindi nakipagtawaran upang mabigyan ng mas mababang presyo sa biniling mga gamot at gamit laban sa COVID-19, samantalang naglabas ng memorandum ang DOH kung saan pinaalalahanan nito ang mga ahensiya ng pamahalaan na tumugon sa “price freeze” patungkol sa mahahalagang gamot at medical supplies.

Tinukoy ng COA sa kanyang ulat na ang panlalawigang pamahalaan ng Pampanga ay bumili noong Abril 28, 2020 ng 1,000 galon ng 70 percent isopropyl alcohol na P750 ang presyo kada galon.

Batay sa DOH price index na inilabas noong Abril 14, 2020, dapat P520 ang presyo bawat galon ng 70 percent isopropyl alcohol.

Nadiskubre rin ng COA na 200 yunit ng thermal scanner ay binili ng P4,800 bawat piraso, samantalang P4,500 lang dapat kada isa kung sinunod ang presyong ibinigay ng DOH.

Ang halaga naman bawat isa ng 2,400 pirasong protective goggles ay binili sa halagang P217 kada piraso, samantalang P180 ang presyong itinakda ng DOH.

Binanggit ng COA ang 100,000 pirasong tablet na 250 milligrams chloroquine phosphate sa halagang P11.975 milyon.

Nadiskubre ng COA na ang presyo ng nasabing gamot ay P119. 75 bawat tableta, gayong P59 hanggang P69 ang halaga nito na siyang banggit ng DOH.

Pinagsumite ng COA ang bids and awards committee (BAC) ng administrasyon ni Pineda ng “satisfactory explanation” hinggil sa sobrang presyo ng mga gamot at

medical supplies na P5.45 milyon mula sa kabuuang P14.4 milyon.

135

Related posts

Leave a Comment