P1K PENSION SA SENIORS PASADO SA SENADO

NATUPAD na ang pangako ni Sen. Joel Villanueva na ipasa sa Senado ngayong Lunes (May 30) ang Senate Bill No. 2506 na naglalayong itaas ang monthly social pension para sa indigent senior citizens.

“Ito ay isang malaking blessing dahil naisakatuparan na natin ang isa sa ating mga pangako noong kampanya, hindi pa man nagsisimula ang ating panibagong termino sa Senado,” sinabi ni Villanueva.

Inalala ni Villanueva, na sponsor ng panukalang batas, ang mga pagpupulong niya kasama ang mga senior citizens noong kampanya, kung saan dumulog sila sa senador at nagsasabing hindi sapat ang P500 na kasalukuyang pension na napupunta lamang sa kanilang maintenance medicines.

“Tumaas na po ang presyo ng bilihin, marapat lang na itaas rin ang monthly social pension ng mga indigent senior citizens from ₱500 to ₱1,000,” ani Villanueva.

Bukod sa pagtaas ng monthly social pension para sa indigent senior citizens na ginawang P1000 mula sa P500, nakasaad din sa panukalang batas ang ibang mga paraan bukod sa cash payout para sa pension upang mas maabot ang mga target beneficiary. Ayon sa panukalang batas, hindi ibabawas sa mga benepisyaryo ang transaction fee, kung meron man.

“May mga seniors po na wala talagang maaasahan at hindi na kayang magtrabaho at hindi kayang suportahan ng mga kamag-anak o kaya walang kamag-anak. Ang ₱1,000 social pension ang pinakamaliit na bagay na maari nating ibigay sa kanila,” dagdag ni Villanueva.

Ayon sa batas, malilipat rin ang implementasyon, distribusyon at pamamahala mula sa DSWD papunta sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa loob ng tatlong taon.

“Ang Senate Bill 2506 ay isang malaking regalo para sa ating mga seniors na matagal nang dinarasal ang dagdag na social pension. Higit po sa lahat, ito’y pagpapaigting sa kulturang Pilipino na may pagtatangi sa ating mga lolo, lola, nanny, impo, ingkong, at iba pa,” sinabi ni Villanueva. (ESTONG REYES)

95

Related posts

Leave a Comment