P20K MULTA KAY NEWSOME

NAKALIGTAS sa suspension si Chris Newsome ng Meralco Bolts, ngunit hindi sa multang P20,000.

Pinagmulta ang Fil-Am guard kaugnay sa flagrant foul penalty 2 kay Anthony Semerad ng NLEX Road ­Warriors, sa game noong Miyerkoles ng hapon kung saan nagwagi ang Bolts.

Maliban sa P20k multa, pinatawag din ang dating Rookie of the Year Huwebes ng umaga ni Deputy Commissioner Eric Castro upang magpaliwanag sa kanyang inasal.

Ito’y matapos batuhin ni Newsome ng bola si Semerad, 10:36 minuto sa fourth quarter ng laro sa Don Honorio Ventura State University gym sa Bacolor, Pampanga.

Dahil sa matinding depensa ng Road Warriors, partikular ni Semerad, hindi nakaiskor si Newsome sa loob ng walong minuto.

Nauwi sa girian ng dalawa ang laro hanggang nagkapisikalan sa pag-rebound, hanggang matawagan ng flagrant foul si Newsome at technical si Semerad.

Sa huli, nagwagi ang Bolts, 104-101, at awtomatikong nakuha ang no. 2 seeding at twice-to-beat advantage tungo sa playoffs. (ANN ENCARNACION)

127

Related posts

Leave a Comment