P214-M SRA NAPUNTA SA ‘DI FRONTLINERS

SA mga empleyadong walang direktang kaugnayan sa pagharap sa COVID-19 patients napunta ang umaabot sa P214 million pondo ng Department of Health (DOH) na laan sana sa mga lehitimong healthcare worker.

Ito ang lumabas sa pagdinig ng House committee on public accounts kaugnay sa report ng Commission on Audit (COA) na may P67.3 Billion pondo ng DOH para sa COVID-19 response ang kuwestiyonable ang paggamit.

Sa interpelasyon ni Agusan del Sur Rep. Lawrence Fortun, sinabi nito na maraming hindi tunay na frontliners ang tumanggap ng Special Risk Allowance (SRA) kahit malinaw sa batas na tanging ang frontliners o mga doctor at nurse na may direktang kontak sa mga pasyente ang dapat mabigyan ng nasabing benepisyo.

“Lumalabas Mr. Chair na malaki pala ang numero ng mga workers na hindi pala eligible na tumanggap ng mga benefits na ito ngunit nakatanggap. This is sad Mr. chair,” ani Fortun.

Ito aniya marahil ang isa sa mga dahilan kaya libu-libong eligible workers ang hindi nakatanggap ng SRA na nagtulak sa marami sa mga ito na magbanta ng mass resignation.

Nang tanungin ng mambabatas kung ilang empleyado ng DOH at mga government hospital ang nakatanggap ng SRA kahit hindi sila hindi nakatalaga sa COVID-19 patients, sinabi ni DOH Undersecretary Leopoldo Vega na wala silang datos subalit inamin nito na umaabot sa P214 million ang halagang sangkot.

Lumalabas na kabilang sa 379,117 na nabigyan ng SRA hanggang noong Hunyo 30, 2021 ang hindi eligible workers na ayon kay Fortun ay hindi makatarungan dahil itinataya ng mga nurse ang kanilang kalusugan para gamutin ang COVID-19 patients.

Sa ngayon ay umaabot sa 526,727 ang health workers na pinaglaanan ng budget para sa SRA subalit dahil nauna ang mga hindi eligible ay natengga ang benepisyo ng may 140,000 healthcare workers.

Kasama sa mga natengga ang benepisyo ang may 20,208 na target mabigyan ng SRA sa P311 million na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) base sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan. (BERNARD TAGUINOD)

199

Related posts

Leave a Comment