P3.4-M SHABU NASAMSAM SA HVI SA BATANGAS

AABOT sa P3.4 million halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Brgy. Alangilan, Batangas City nitong Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa Batangas City police, kabilang sa itinuturing na High Value Individual (HVI) ang naarestong si Noel Mangubat, 45.
Kasama nitong naaresto si Ainsley Asi  na kabilang din sa talaan ng drug personalities ng Batangas PNP.

Ayon sa Batangas City police, nakuha sa mga suspek ang humigit kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3,450,000.00 sa operasyon ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit 4A, Regional Intelligence Division/Regional Special Operations Unit, Batangas City Police Station at mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Batangas pasado alas-2:00 ng hapon.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Batangas City police na tatlong beses nang naaresto si Mangubat sa mga kasong pagtutulak ng ilegal na droga.

Nakalalabas aniya ito sa pamamagitan ng plea bargaining ngunit matapos ang ilang buwan ay bumabalik sa pagtutulak. (NILOU DEL CARMEN)

165

Related posts

Leave a Comment