P3-M PARTY DRUGS NASABAT, 1 ARESTADO

ARESTADO ang isang drug personality matapos tangkaing kunin ang isang inbound parcel na naglalaman ng hinihinalang P3 milyong halaga ng ecstasy, isang uri ng party drugs, sa isinagawang controlled delivery operation sa Baguio City.

Sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, kinilala ang 52-anyos na drug suspect na si Elisa Aguirre Millare, Filipino, may asawa, residente ng Sitio Mabilog, New Era, Quezon City.

Ayon kay PDEA Public Information Office Director, Usec. Derick Carreon, ang parcel ay naglalaman ng 1,783 tablets ng hinihinalang ecstasy (MDMA) na may kasalukuyang street value na aabot sa P3,031,100 na itinago sa bed sheets.

Una rito, naglatag ng controlled delivery operation ang mga operatiba ng NAIA-IADITG, PDEA CAR LTIU, PDEA Baguio City Office matapos madiskubre ang kahina-hinalang kontrabando sa loob ng isang package.

Inabangan ng mga aworidad ang taong kukuha ng parcel sa Ambuclao Road, Brgy. Gibraltar, Baguio City sa harapan ng Bristle Ridge Condominium na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (JESSE KABEL)

 

165

Related posts

Leave a Comment