IPINAGMALAKI ng Bureau of Customs (BOC) na umabot sa P304 milyong halaga ng ilegal na droga na kanilang nasabat, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob lamang ng isang araw na anti- narcotics operation.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng tanggapan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, may 44 kilo ng hinihinalang shabu na may street value na aabot sa P304 milyon, ang nasabat sa magkahiwalay na interdiction operation sa NAIA Terminal 3 noong Martes.
Pinangunahan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) at PDEA ang nasabing operasyon laban sa dalawang papasok na pasahero mula sa Hong Kong subalit magkaibang flight.
Pagdating ng kanilang target ay inaresto ang mga ito matapos na isalang ng BOC X-ray Inspection Project personnel ang kanilang mga bagahe at makitaan ito ng suspicious images sa routine screening.
Hindi rin umano nakalusot sa K-9 Unit ng joint interdiction team ang tangkang ipuslit na check-in baggage na itinanggi pa ng pasahero na sa kanya, matapos na isailalim ang nakitang pakete sa field test ng PDEA sa unang interdiction operation.
Dito nabulgar ang 20,555 grams ng umano’y shabu na nakakubli sa hidden compartment, na tinatayang may aabot sa P139.7 milyon ang halaga.
Kinahapunan, dumating ang ikalawang pasahero at gaya ng nauna ay inupuan din ng K-9 ang kanyang bagahe kaya inutos na isalang sa physical examination ang kanyang luggage at dito nalantad ang itinatago niyang 24,231 kilo ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P164.77 milyon.
Agad na ikinustodiya ng PDEA ang dalawang nadakip na suspek para sa kaukulang follow-up investigation para matukoy ang lugar na pinagmulan ng droga.
(JESSE RUIZ)
