P37-M SHABU NASABAT SA 4 TULAK

SA pagnanais na masupil ang paglaganap ng illegal drug sa Metro Manila, pinaalalahanan ni PNP National Capital Regional Police Office Director, P/MGen. Vicente Danao Jr., ang lahat ng kanilang operating units na paigtingin pa ang kanilang pagsisikap sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba pang PNP Units, Law Enforcement Agencies at PDEA.

Ito ay matapos ang dalawang matagumpay na anti-narcotics operation na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na bigtime drug personalities na hinihinalang may kawing sa mga nakakulong na drug lords sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa.

Tinatayang umabot P37 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa teabags ang nasamsam sa buy-bust operation ng mga elemento ng PNP-NCRPO na pinamumunuan ni Gen. Danao, sa Barangay Santo Cristo, Quezon City.

Inaresto naman ng PNP-NCRPO Regional Drug Enforcement Unit ang suspek na si Jason John Alberca na kaya umanong magbenta ng hanggang limang kilong shabu kada araw.

Ang kanilang drugs distribution network ay kinabibilangan ng National Capital Region, Calabarzon at Central Luzon.

Sinasabi ring konektado ang drug gang sa isang detainee ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

Nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng isang source na nagbigay ng tip na mayroong nangyayaring bentahan ng ilegal na droga sa harap ng isang paaralan kung saan naaresto ang suspek.

Ang operasyon ay isinagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), City Drug Enforcement ng Lipa, Batangas at Quezon City Police District (QCPD) Station 15.

Pinapurihan naman ni PNP chief, Guillermo T. Eleazar ang mga tauhan ng PNP-NCRPO, sa pangunguna ni P/Major Gen. Danao, ang NCRPO RID-RSOG-RDEU, katuwang ang Central DEU-LIPA at QCPD PS-15 sa isinagawang joint buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Alberca na nabilhan ng isang kilo ng shabu.

Sa ikinasang pre-arrange signal, itinuloy ang buy-bust operation ngunit nakatakas ng dalawang suspek na kinilalang sina Juneross Guillermo De Leon, 38, at Michael De Leon, 43, sakay ng puting Nissan Navarra pick-up papuntang Balintawak.

Nakuha sa suspek ang tatlong color gold plastic Chinese tea bag na naglalaman ng droga, isang unit ng cellphone, SONY Android, color blue; dalawang eco bag at buy-bust money.

“An in-depth investigation is also being undertaken by RDEU to identify the other members/group and/or sources of illegal drugs for drug trade by Alberca,” ani Gen. Danao.

Nauna rito, bandang alas-4:00 ng umaga noong ng Sabado, isa pang buy-bust operation ang inilunsad sa Toktokan St., corner Bahawan St., Brgy. Masambong Quezon City at nadakip ang tatlong drug suspects na

kinilalang sina Marie Ann Tongco y Del Pilar, 28; Allan Isaac Giducos y Gorrez, 25, at Alvin Pangilinan y Fernandez, 29-anyos.

Nakuha sa mga suspek ang 18 sachet ng umano’y shabu na tinatayang

P510,000 ang halaga. (JESSE KABEL)

102

Related posts

Leave a Comment