UMABOT sa P584.28 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang iba pang law enforcement agencies, sa loob lamang ng isang linggong anti-narcotics operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa 112 drug personalities, kaugnay sa kanilang kampanya kontra droga sa buong bansa.
Ayon sa weekly accomplishment report na inilabas ng tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, nabatid na 81 anti-illegal drug operations ang matagumpay na naisagawa sa loob ng isang linggong kampanya sa buong bansa mula Oktubre 24 hanggang 31, 2025.
Ang mga operasyong ito ay binubuo ng 63 buy-busts, 6 marijuana eradications, 5 search and retrieval; 3 search warrant, 3 interdiction operations, at 1 turnover ng hinihinalang ilegal na droga.
Sa buong panahon ng pag-uulat, ang mga panrehiyong tanggapan ng PDEA, sa pakikipagtulungan sa mga lokal na unit ng pagpapatupad ng batas, ay nakakumpiska ng kabuuang 84,099.63 gramo ng shabu; 1,899 mililitro ng likidong cocaine, at mga halaman at derivatives ng marijuana na katumbas ng 58,350 halaman, 18,100 seedlings, at 92.30 gramo ng tuyong dahon.
Kasama sa isinagawang operasyon ang pagkumpiska sa 1,899 mililitro ng likidong cocaine at 6,250 gramo ng shabu sa Pasay City; pagpuksa ng 22,300 piraso ng halamang marijuana at 4,600 piraso ng seedlings ng marijuana sa Sugpon, Ilocos Sur;
Ang buy-bust sa Cebu City ay nagresulta sa pagkakasamsam ng 1,175 gramo ng shabu;
Ang pagpuksa sa 46,550 halaman ng marijuana sa lalawigan ng Benguet;
Ang interdiction sa Parañaque City ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng 75,500 gramo ng shabu; at buy-bust operation sa Quezon City na nagresulta sa kumpiskasyon ng 500 gramo ng shabu.
Kasabay sa pagdakip sa 112 drug personalities ang pagwasak sa ilang make shift drug den.
Kabilang sa mga nadakip ang 68 pushers; 24 na bisita/kliyente sa drug den; 10 may-ari/tagapangasiwa ng drug den; 4 na empleyado ng drug den; 4 na may-ari ng drug den; at 2 couriers.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang bawat naarestong drug personality dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
63
