LIFESTYLE CHECK SA MGA POLITIKO SA FLOOD SCAM, SINIMULAN NA NG BIR

Pasok na rin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa imbestigasyon ng lifestyle check laban sa mga politikong sangkot umano sa maanomalyang nakawan sa mga flood control projects ng gobyerno.

Bukod sa mga private contractor at district engineers, target din ng BIR ang mga mambabatas na isinasangkot sa kontrobersyal na proyekto.

Kinumpirma mismo ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa isang ambush interview sa Department of Justice (DOJ) na sisilipin din ng kanilang ahensya ang maalwan at magarbo umanong pamumuhay ng ilang politiko na kinabibilangan ng mga senador at kongresista.

“Kasama sa tinitingnan natin ‘yung lifestyle—mga mansyon, pagbiyahe sa abroad, pagkain sa mga mamahaling hotel at restaurants, pati mga luxury car. Dapat makita kung tama ba ang buwis na binabayaran nila,” ani Lumagui.

Magugunitang isinapubliko kamakailan ng ilang senador ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) matapos i-lift ng Office of the Ombudsman ang restriction sa public access nito.

Giit ng BIR, bahagi ito ng mas malawak na hakbang laban sa tax evasion, lalo na’t mga “high-profile” politiko na ang kinakaladkad sa flood control projects.

Nilinaw naman ng ahensya na limitado lamang sa aspeto ng buwis ang kanilang imbestigasyon at hindi saklaw ang mga alegasyon ng graft and corruption.

(JULIET PACOT)

75

Related posts

Leave a Comment