P6-M SHABU ISINIKSIK SA PACKAGE NG CCTV

BISTADO ng  mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of Clark sa Pampanga ang P6 milyong halaga ng umano’y shabu na isiniksik sa isang package ng mga pang-export na CCTV cameras noong nakaraang Biyernes.

Base sa report ng BoC, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa isang ‘export shipment’ na idineklarang “CCTV Camera at Video Recorder” subalit nadiskubreng  naglalaman rin ito ng ilegal na droga na ipadadala sa Auckland, New Zealand.

Dahil dito, hinarang ang naturang shipment at isinailalim sa pisikal na inspeksyon.

Hanggang sa makita  ang  anim na pakete na naglalaman ng tinatayang aabot sa P6 milyong halaga ng hinihinalang  shabu na nakasingit sa apat na CCTV cameras sa loob ng kahon.

Naglabas na ng ‘Warrant of Seizure and Detention’ si District Collector Alexandra Lumontad dahil sa paglabag sa RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Matapos maisagawa ang imbestigasyon noong Agosto 17, inilipat sa kustodiya ang nasabing shabu sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). (RENE CRISOSTOMO)

229

Related posts

Leave a Comment