ISA na namang undercapitalized firm o pipitsuging kompanya ang nakasikwat ng mahigit P7.6 bilyong halaga ng kontrata sa pagsusuplay ng medical supplies sa pambansang pamahalaan sa anti-COVID-19 program.
Sa pagbubunyag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, sa ginanap na ika-10 hybrid hearing ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa overpricing ng medical supplies sa multi-billion kontrata na ibinigay ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM).
Binayaran ng PS-DBM ang supply contract mula sa P42 bilyong COVID-19 response funds ng Department of Health (DOH).
Kinilala ni Pangilinan ang kompanya bilang ”Element Trade Limited” na may puhunan na $10,000 na nakakopo ng P7.6 bilyong government contract sa pagbili ng medical supplies.
Ayon kay Pangilinan, nabuo ang Element noong Abril 2020 na may puhunan ng 10,000 Hong Kong dollar.
May uminit na alitan ang ilang senador at Palasyo hinggil sa pagbibigay ng kontrata ng PS-DBM na nagkakahalagang P11 bilyong medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation, isang retailer noong Marso 2020 may roong puhunan ng P620,000 lamang.
Pinasaringan ni Senador Richard Gordon si Pangulong Duterte hinggil sa pagbibigay proteksiyon kay Michael Yang, kanyang economic adviser na nagpabulaan sa pahayag ni Linncon Ong, isang direktor ng Pharmally na si Yang ang namuhunan upang makopo ng kompanya ang naturang kontrata.
Nagbitiw naman sa puwesto si Lloyd Christopher Lao bilang hepe ng PS-DBM chief sa kalagitnaan ng 2021. Tulad ni President Duterte at Yang, si Lao ay Davao resident.
Sinabi naman ni Senator Risa Hontiveros na malaki ang matitipid sana ng Pilipinas kung bumili ng medical supplies direkta sa China-based manufacturer na ginawa ng Australia at Chile. (ESTONG REYES)
186 