P801-M NG PCOO PAMBAYAD NG TROLLS?

IPINAGPALIBAN ng Makabayan bloc ang deliberasyon sa budget ng Presidential Communications Operation Office (PCOO) dahil sa pangambang gagamitin lang ang may P801.7 million nito sa troll armies para siraan ang mga kalaban ng administrasyon sa 2022 election.

Sa floor deliberation sa 1.91 Billion budget ng PCOO na pinamumunuan ni Secretary Martin Andanar, pinasuspinde ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang pagtalakay sa pondo ng nasabing tanggapan hangga’t hindi mabigyan ng linaw ang pagkuha ng mga ito ng 375 “contract of service” (COS) noong 2020.

Humingi ng accomplishment report ang mambabatas sa 375 COS na ito subalit hindi makapagbigay si Zamboanga Rep. Manuel Dalipe na siyang nadedepensa sa budget ng PCOO kaya nagmosyon si Brosas na ipagpaliban muna ito.

“Walang kasiguraduhan na ang budget na hinihingi ng PCOO mula sa kaban ng bayan ay hindi ilalaan sa pagpapakalat ng fake news at red-tagging,” ani Brosas.

Sa P1.91 billion pondo umano ng ahensya sa 2022 ay P801.7 million dito ang ilalaan sa mga COS.

Ayon sa mambabatas, pare-pareho ang naging accomplishment report ng COS sa mga regular na empleyado ng PCOO kaya lalong nakapagdududa na ang mga ito ay trolls.

“From spreading fake news to hiring suspected internet trolls, we are afraid that this budget will only be used to spread misinformation to favor Duterte in the upcoming 2022 national elections,” ani Brosas.

“Sa gitna ng laganap na misinformation at fake news na madalas mismong gobyerno pa ang nagpapakalat, napakahirap ng ganito,” dagdag pa ng mambabatas kaya dapat umanong mag-ingat ang Kongreso.

Bago ito ay nagawa rin ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na ipagpaliban ang deliberasyon sa budget ng Department of Budget and Management (DBM) matapos ding hindi makakuha ng malinaw na sagot sa P10.3 Billion na savings sa contingency fund ng pangulo na inilipat sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at ginamit sa imprastrakturang bat cave, daungan ng mga cruise ship, swimming pool at iba pa na walang kinalaman sa pandemya sa COVID-19.

Hindi rin maipaliwanag ng DBM ang 57 billion savings mula 2017 hanggang 2020 mula sa anim na ahensya ng gobyerno na hindi idinideklara sa publiko at kung saan ginamit ang pondong ito.

Comelec budget
nabalam din

Kaugnay nito, tila hinostage naman ng Senado ang badyet ng Commission on Elections (Comelec) matapos tumangging palawigin ang voter registration na sinasabing panggigipit sa botante, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Sa pahayag, sinabi ni Drilon na pansamantalang isinantabi ang deliberasyon sa badyet ng Comelec para sa 2022 hangga’t hindi nito pinalalawig ang voter registration.
“It is a clear voter suppression regulation. You suppress the right of the voter to vote. That is a cardinal sin in our democratic system of government,” ayon kay Drilon sa ginanap na pagding ng Senado.
“The refusal to extend the registration period is clearly a regulation to suppress the right to vote,” giit pa ni Drilon.
Sa pagdinig, nagmosyon si Drilon na pansamantalang isantabi ang badyet ng Comelec hangga’t hindi nareresolba ang naturang isyu.
Tinukoy ng Comelec ang kanilang resolusyon na nagtatakda ng kalendaryo sa voters’ registration.
Pero, sinabi ni Drilon, dating justice secretary na ilegal ang resolusyon ng Comelec dahil malinaw sa batas na dapat isagawa ang voters’registration hanggang 120 araw bago ganapin ang regular na halalan.
“Strictly speaking, a qualified voter is given until January 8, 2022 or 120 days before the May 2022 elections to register. Therefore, the request of Congress to extend the voter’s registration by 30 days is consistent with Section 8 of RA 8189,” paliwanag ni Drilon.
Ayon kay Drilon, nakatakda sa “Section 8 of Republic Act No. 8189 states that “The personal filing of application of registration of voters shall be conducted daily in the office of the Election Officer during regular office hours. No registration shall, however, be conducted during the period starting one hundred twenty (120) days before a regular election and ninety (90) days before a special election.”
Kamakailan, pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na humihiling sa Comelec na palawigin ang deadline ng voter registration. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)

260

Related posts

Leave a Comment