MANGHUHULI pero hindi mananakit.
Ito ang paalala ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar sa kanyang mga tauhan kaugnay ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga hindi naka-face mask sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Eleazar, ang mga violator ay dadalhin sa holding area kung saan hindi sila magkukumpulan at alinsunod sa ordinansa ang ipapataw na parusa gaya ng community service o multa.
Dagdag pa niya, sa halip na pagmultahin, bibigyan din nila ang mga violator ng face mask.
Kasabay nito, binalaan ng opisyal ang mga station commander at police chiefs sakaling may mga tauhan silang magpatupad ng malupit na parusa sa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.
Giit niya, ang mga pulis ay mang-aaresto lamang mga face mask violator pero hindi dapat saktan at pahirapan ang mga ito.
Siniguro rin ni Eleazar sa publiko na kanilang rerespetuhin ang karapatang pantao sa paghuli sa mga face mask violator.
Bilang dating commander ng JTF Covid Shield, sinabi ni Eleazar na nakita nilang bumababa ang infection rate sa sandaling ipatupad ang istriktong quarantine measures gaya sa Metro Manila na idineploy noon ang mga SAF trooper at sundalo para matiyak na nasusunod ang health and safety protocols.
Sinabi rin ni Eleazar na naiintindihan niya ang concerns ng publiko sa pag-aresto sa mga hindi nagsusuot ng face mask, pero giit nito na mahalaga ito para matiyak na nasusunod ang minimum health safety standard protocol.
Kasabay nito, umapela ang opisyal sa publiko na magsuot ng face mask at sundin ang minimum health safety standard protocol dahil kung hindi ay tiyak mananagot ang mga ito sa pulis.
Inihahanda na ng PNP ang detention areas para sa mga maaarestong face mask violator. (JESSE KABEL)
