NAG-ABISO ang pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa publiko lalo sa Overseas Filipino Workers, na planuhin nang maaga ang pagpapadala ng balikbayan boxes lalo na ngayong Christmas season.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, mas mabuting ipadala nang maaga ang mga balikbayan box para masigurong matatanggap agad ng kanilang mga mahal sa buhay ang kanilang mga regalo o ipinadalang gamit sa kanilang mga kaanak sa Pilipinas.
Paalala ni Santiago, inaasahan ang mataas na volume o rami ng mga ipinadadala ngayong holiday season kaya mahalagang ipadala ito nang maaga upang maiwasan ang anomang abala.
Dahil sa volume ngayong holiday season, posibleng abutin ng Pebrero sa susunod na taon na makarating ang balikbayan boxes bago matanggap ng kanilang pamilya.
Paliwanag ni GM Santiago, nasa 45 araw ang itinatagal tuwing regular na araw bago makarating sa bansa ang packages subalit dahil sa holiday season ay asahan na mas matatagalan pa ito at posibleng umabot pa ng Pebrero bago matanggap ng kanilang mahal sa buhay.
Kaugnay nito, nagpaalala rin si Santiago lalo na sa OFWs, na makipag-ugnayan sa lehitimong freight forwarders para sa mga update sa kanilang mga ipinadala.
Nagbabala rin sa publiko si Santiago na huwag maniwala sa mga text o tawag na nagsasabing may kailangang bayaran para mapabilis ang paglalabas ng mga kargamento. (JESSE KABEL RUIZ)
