NAKAKALUNGKOT ang balita na tumambad sa akin nang aking buksan ang group chat ng Board of Trustees na nagsasabing pumanaw na si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Faustino “Bubsie” Sabarez III.
Sa kalatas na ipinadala ni Administrator Hans Cacdac ay sinabi na pumanaw ito noong ika-7:40 ng gabi noong Setyembre 8 sa Manila Doctors Hospital sanhi ng COVID-19 virus.
Halos hindi ako makapaniwala dahil nitong nakaraang Agosto 27 lamang ay masaya pa namin siyang na-interview sa aming programang Bantay OFW na kung saan ay aming napag-usapan ang bumalot na kontrobersiya sa OWWA ukol sa COA reports. Napag-usapan namin sa programa ang katotohanan sa mga kumakalat na malisyosong balita na diumano ay may anomalya ang paghawak ng pondo sa pagbili ng supplies ng opisina ni DA Bubsie.
Masaya siya noong aming nakausap at labis na nagpapasalamat sa pagkakataon na mabigyang linaw ang isyu at malinis ang kanyang pangalan.
Dahil sa pagtatapos ng report ng OWWA ay lumabas na walang ano mang bahid anomalyang kinasasangkutan si DA Bubsie.
Naikwento rin ni DA Bubsie ang kanyang hinanakit at mga pinagdaanan at nagpunta siya sa puntod ng kanyang mahal na ina at doon nagsumbong at humagulgol ng iyak.
Damang-dama ko ang sakit ng kalooban ni DA Bubsie noong oras na iyon at sa pakiramdam ko nga ay pareho kaming maka-nanay o ‘Nanay’s Boy’ na sa tuwing may umaaway o nang-aapi ay tumatakbo agad sa nanay para lang magsumbong.
Ngayon na tuluyan nang nagpaalam si DA Bubsie, ay agad kong naisip ang magagandang plano niya para sa mga OFW. Isa sa hinihingi niya ng suporta mula sa akin para maaprubahan ng OWWA ay ang kanyang plano para sa pagkakaroon ng OFW Village.
Labis ko siyang sinuportahan sa panukala niya dahil tugma ito sa aking adbokasiya na kung saan ang mga OFW ay mabigyan ng pagkakataon ng magkaroon ng sariling tahanan.
Matapos ang aming meeting ay aking ipinangako na ako ay susuporta sa kanyang proposal at agad siyang nakipagpulong sa mga gobernador upang hikayatin ang mga ito na mag-donate ng mga lupain na gagawing OFW Village.
Sa programang ito ay bibigyan ng pagkakataon ang mga OFW na magkaroon ng tahanan sa mababang halaga. Ang OFW Village ay magkakaroon ng sariling groceries, medical clinic, pharmacy, laundry shop at iba pang negosyo na ang puhunan ay magmumula sa Tulong
Puso Program kung kaya ang lahat ng negosyo sa loob ng OFW Village ay magiging pag-aari ng mga OFW na nakatira roon.
Marahil ay bilang pabaon sa paglisan ni DA Bubsie, kasama ng buong OWWA Board of Trustees ay aming ipupursige ang kanyang magandang layunin na maisakatuparan ang OFW Village.
Paalam aking kaibigan Deputy Administrator Faustino “DA Bubsie” Sabarez III.
223
