PINALAGAN ni Senador Nancy Binay ang pagtanggal ng Department of Health (DOH) sa cancer research fund sa 2022 national budget saka kinuwestiyon ang prayoridad ng pamahalaan sa kalusugan ng mamamayan.
Sa pahayag, sinabi ni Binay na pawang hakbang pabalik ang ginawa ng DOH matapos dumanas ng maraming paikot-ikot na deliberasyon upang bigyang kapangyarihan ang national cancer control program.”
“The DOH should have taken our cue when we allocated P620 million last year for cancer. Batas ‘yan, at long-term priority. Instead of moving forward this is a step back that we should correct. When survival matters, you don’t make lifelines invisible,” ayon kay Binay.
Sinabi ni Binay na isinama lamang ang P620 milyon cancer fund sa 2021 habang ginaganap ang bicameral conference sa pambansang badyet na kinabibilangan ng P500 milyon sa Cancer Control Program fund at P120-million Cancer Assistance fund.
Dahil dito, nangako si Binay na kanyang tutuwirin ang maling hakbang na ito ng DOH sa pamamagitan ng paghahain ng amendements sa deliberasyon ng Senado sa pambansang badyet para sa 2022.
Naunang nagreklamo ang Cancer Coalition of the Philippines matapos matuklasan na tinanggal ang cancer fund line item sa susunod na badyet.
Sa halip na gawing line item, isinama ng DOH ang National Integrated Cancer Control Program (kabilang ang cancer medicines para sa bata) at ang Cancer Assistance Fund sa ilalim g pondo ng non-communicable diseases (NCD) na umabot sa P1.3 bilyon.
“This is a direct violation of the provisions under NICCA,” ayon sa position paper ng Coalition.
“Hindi katanggap-tanggap na tila hindi permanenteng priority ang suporta para sa mga cancer patients natin. Dahil nakabulto lang sa NCD budget, walang linaw kung magkano ba talaga ang nakalaan, at ang pangamba ay baka paglaruan lang ang budget na ito,” giit ni Binay.
“This is another half-baked idea that the DOH is trying to implement, which again puts in question the priorities of its leadership,” dagdag niya.
Base sa Global Cancer Observatory ng World Health Organization, mahigit 153, 000 bagong kaso ng cancer ang iniulat nitong 2020.
Pangalawa ito sa dahilan ng pagkamatay ng Filipino na may 62,300 namatay noong nakaraang taon.
Kinuwestiyon din ni Binay ang patuloy na pagkabigo na pulungin ang National Integrated Cancer Control Council, na may kapangyarihan na pagbuo ng policy response ng bansa laban sa kanser.
“This issue over the budget stems from the lack of a clear policy direction which the NICC Council has the responsibility of crafting,” aniya. (ESTONG REYES)
210 