PAG-EPAL NG GOBERNADOR SA RAPE CASE NG MAYORALTY CANDIDATE, IPINATIGIL

NANAWAGAN kay Quezon Governor Danilo Suarez ang grupong Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc. na pinangunahan ni Propesor Salvador de Guzman, na gawin na lamang ang kanyang trabaho sa lalawigan ng Quezon kaysa pakialaman ang pagsulong ng kasong kidnapping and serious illegal detention with rape and child abuse na isinampa ng biktima laban kay Lopez, Que­zon mayoralty candidate Councilor Arkie Yulde na sinasabing kaalyado sa pulitika ni Suarez.

Ayon din sa tagapagsalita ng nabanggit na grupo na si Prop. Val Guevarra, na kung gusto talagang pakialaman ni Gov. Suarez ang kaso laban kay Yulde, dapat aniyang tulungan ng gobernador ang ordinaryo at pobreng katulong na naghahanap lang ng hustisya sa kanyang sinapit sa kamay ni Councilor Yulde.

Inakusahan ni Guevarra si Governor Suarez na siyang nagbibigay ng suporta at proteksyon kay Yulde kaya dismayado umano ang ­Quezonian sa gobernador sa pangingialam nito sa kaso ng kawawang biktima.

Kasabay nito, nanawagan din ang grupo sa Office of the Ombudsman na maaksyunan na ang isinampang kasong kriminal at administratibo ng pamilya ng biktima laban sa mag-amang sina Gov. Danilo at Atty. Joana Suarez.

Naniniwala naman ang grupo nina Guevarra na makakamtan din ng biktima ang hustisya at siguradong igagawad ito ng korte kahit magtengang kawali si Gov. Suarez sa kanilang panawagan na huwag nang pakialaman ang kaso.

Sa kasalukuyan, pending for trial na ang kaso ni Konsehal Yulde sa Regional Trial Court Branch 53 sa Rosales, Pangasinan matapos na mabasahan na ng sakdal ang akusado.

Bago ganapin ang arraignment sa nabanggit na mga kaso laban kay Yulde ay ibinasura naman ni Judge Borja noong Oktubre 26 ang motion to quash information na inihain ng mga abogado ni Yulde dahil sa kawalan ng merito.

Nag-plea naman ng ‘not guilty’ si Konsehal Yulde matapos na basahan ng reklamong isinampa ng provincial prosecutor at ng biktima laban dito.

Si Yulde ay nirerepresenta nina Atty. Joshua Viray na dating konsehal at mayor sa bayan ng ­Asingan, Pangasinan at Atty. ­Teodorico Galapate na dating vice mayor ng Alcala, Pangasinan.

Nagpahayag naman ng pasasalamat kay Judge Borja ang grupo ni Prof. de Guzman dahil sa ipinalabas na kautusan kaugnay ng agarang paglilipat ng kulungan kay Councilor Yulde mula sa detention jail ng Criminal Investigation and Detections Group sa Quezon Province papunta sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng Balungao, Pangasinan, noong Oct. 23, 2021.

Si Yulde ay inaresto noong Setyembre 20 ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group, sa pamumuno ni Lt. Col. Ariel Huesca, sa tulong ng iba pang pulis mula sa Lopez at Catanauan Municipal Police Stations, 1st Quezon Provincial Mobile Force Company at Regional Mobile Force Battalion sa Region 4-A.

Nilinaw nina Guevarra at De Guzman na kaya naantala ang paglilipat ng CIDG kay Yulde dahil nagsampa ang akusado ng ‘writ of habeas corpus’ sa korte ng Lucena City na walang nangyari dahil ibinasura lamang ito ng judge na nag-aral ng nasabing petisyon.

193

Related posts

Leave a Comment