MULA sa Liwasang Bonifacio at Plaza Miranda, napadpad sa Mendiola, Maynila ang mga raliyista na pinangunahan ng libu-libong miyembro ng grupong MAISUG upang ipakita nila ang kanilang suporta at pagbati sa kaarawan ni former president Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) nitong nakaraang Biyernes, Marso 28, 2025.
Ang mga nagprotesta ay binubuo ng mga business group ng kababaihan, senior citizens, Kabataan, at overseas Filipino workers (OFW) na umuwi lamang para suportahan ang panawagan ng pagpapabalik kay FPRRD sa Pilipinas.
Bukod dito, nagkaroon din ng malakihang rally sa Davao City, iba’t ibang lalawigan sa bansa at maging sa The Hague, Netherlands, Canada, Japan at marami pang bansa bilang sabay-sabay na suporta kay dating pangulong Duterte.
Pagdating ng grupo sa Mendiola Street, na ilang metro lang ang layo sa Palasyo ng Malakanyan, sabay-sabay nilang ipinagsigawan ang “Marcos Resign” at “Bring (Duterte) Back!”.
Sinabi pa ng mga ito na nabudol sila ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) sa kanilang pagsuporta dito noong 2022 elections na naging dahilan ng pagkapanalo ng una sa pakikipag-tandem kay Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio.
Anila, hindi nanalong presidente si Marcos Jr. kung hindi siya sinuportahan ng mga Duterte na makikita sa kanilang mga boto o resulta ng eleksyon na mas mataas ang boto ni VP Sara kung ihahambing kay PBBM.
Kasabay nito, ipinanawagan ng grupong MAISUG sa mga senador na magdesisyon na sila kung ang taumbayan o si Marcos ang kanilang papanigan.
Ipinagsigawan din ng mga raliyista ang matinding korupsyon ngayon dahil anila sa sabwatan ng mga mambabatas na pinangungunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Hinanap ng mga ito ang bilyun-bilyon pisong pondo ng PhilHealth, ang isiningit sa 2025 National Budget at nawawalang pondo ng 5,500 mga flood control project na hanggang ngayon ay walang maipakita ang administrasyon ni PBBM na natapos.
Samantala, umarangkada na rin ang signature campaign na pinangunahan ni dating senador Gregorio Honasan at Sagip party-list Representative Rodante Marcoleta na layong mapauwi si Duterte.
Ang kaarawan ni dating Pangulong Duterte ay sinabayan din ng ‘zero remittance’ ng mga OFW na nagsimula noong Marso 28 hanggang Abril 4, 2025. Ito ay bilang protesta sa administrasyon ni Marcos Jr.
(JOEL O. AMONGO)
