VLOGGERS, SOCIAL MEDIA USERs NAGHAHASIK NG TAKOT

ISINISI sa mga iresponsableng vlogger at social media users’ ang pagkatakot ng mamamayan sa kanilang seguridad dahil sa mga maling impormasyon na ikinakalat umano ng mga ito hinggil sa kriminalidad sa Pilipinas.

Ayon kay House assistant majority leader Jil Bongalon, malinaw sa datos ng Philippine National Police (PNP) na bumababa ang crime rates sa Pilipinas subalit tumitindi ang takot ng mga tao dahil sa mga maling impormasyon na kinakalat ng mga iresponsableng vloggers at ibinabahagi naman ng ibang social media users.

“Ang daming nagbabahagi ng videos o kwento na walang buong konteksto. Nangyayari sa ibang bansa, ipapakalat na parang dito nangyari. Ito ang nagpapalaki sa takot ng mga tao, kahit hindi naman ito tugma sa totoong sitwasyon,” ani Bongalon.

Base aniya sa datos ng PNP, 26.76% ang ibinaba ng crime rate sa isa’t kalahating buwan ngayong taon dahil mula 4,817 kaso na naitala mula Enero 1 hanggang February 14 noong isang taon, naging 3,528 na lamang ito.

Kabilang umano sa krimen na bumaba ang pagnanakaw, holdap, rape, murder, homicide, physical injury, at carnapping sa 26.76% habang 50% naman ang ibinaba ng kasong rape.

Gayunpaman, tumitindi pa rin ang takot ng mga tao dahil sa fake news na ikinakalat ng mga iresponsableng vlogger na nagiging dahilan para mawalan umano ng tiwala ang mamamayan sa pambansang pulisya.

“Fake news is a crime in itself—it steals peace of mind and sows unnecessary fear. Ang epekto nito ay hindi lang takot kundi pagkawalang-tiwala sa mga institusyong araw-araw na nagtatrabaho para sa ating seguridad,” dagdag pa ng kongresista.

Dahil dito, kailangan na aniyang palakasin ang media literacy lalo na sa mga kabataan para labanan ang fakes news.

“Kapag mahina ang media literacy, mas madaling kumalat ang maling balita. We need to empower our citizens to verify first, share later,” ayon sa mambabatas.

(PRIMITIVO MAKILING)

36

Related posts

Leave a Comment