HAYAGANG kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang 30,000 drug war deaths.
Sinabi ng Bise-Presidente na 181 piraso lamang ng ebidensya ang ipinresenta ng prosekusyon sa International Criminal Court (ICC). Malinaw na kapos ito para sa sukat ng di umano’y extrajudicial killings sa panahon ng war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Makikita sa rekord ng pulisya na ang drug war deaths ay may kabuuang bilang lamang na 6,000, habang sinasabi naman ng human rights groups na ang death toll— kabilang na ang vigilante killings—ay umabot na sa 30,000.
“Dahil laging paulit-ulit ng media yun, ilang taon. ‘War on drugs, thousands killed.’ ‘War on drugs, 30,000 killed.’ And yet, nandito na tayo ngayon sa ICC and there’s just 181 pieces of evidence,” ang sinabi ni VP Sara.
“So, nasaan na ang 30,000 pieces of evidence? This is not a case for the ICC. These were not even cases in the Philippines. Not a single case,” aniya pa rin.
“How can you prove systematic killing of 30,000 victims if you do not have the names of 30,000 victims? …and yet we have 181 pieces of evidence. And we don’t even have 50 victims. This is 43 counts of murder, not even 50. So, where is the system there of killing thousands? Sorry. Ang bobo yung abogado nila,” diin ni VP Sara.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Atty. Kristina Conti ng National Union of People’s Lawyers, kumakatawan sa ilang biktima na hindi na kinakailangan pangalanan ang bawat biktima para patunayan lamang na nakagawa ng crimes against humanity si dating pangulong Duterte.
“The real question is: Guilty ba si Duterte? Inutos ba niya ang mga patayan sa kanyang kapasidad bilang founder and leader of the Davao Death Squad na nagpatuloy ang patayan sa Davao City habang mayor siya at sa buong Pilipinas habang presidente siya? Yun ang esensya ng kaso sa kanya.” wika ni Conti.
(CHRISTIAN DALE)
