PAGBABAWAL SA SIN PRODUCTS COMPANIES NA MAKABILI NG BAKUNA, BINANATAN

BINATIKOS ng mga senador ang plano ng Department of Health at National Task Force na harangin ang pagbili ng malalaking kumpanya ng COVID-19 vaccines.

May kinalaman ito sa draft na administrative order ng DOH na nagbabawal sa mga kumpanya na gumagawa ng sin products para makiisa sa tripartite agreement sa pagbili ng bakuna.

“Tinutukoy dito ang malahiganteng kumpanya na tulad ng San Miguel group, buong Lucio Tan group, Puregod, Nestle, Destileria Limtuaco, lahat ng softrinks producers, Tanduay, Ginebra, White Castle at iba pa,” saad ni Senador Imee Marcos.

“Kapag di makabili ng mga bakuna itong mga malahiganteng kumpanyang ito, na 50 percent ido-donate sa publiko dahil walang pera ang gobyerno, paano pa tayo makakadagdag ng bakuna?,” dagdag pa ni Marcos.

Ipinaliwanag pa ni Marcos na pinuno ng Senate Committee on Economic Affairs, hindi lang pababagalin ng nasabing administrative order ang target na mabakunahan ang 70% ng mga Pilipino para sa taong ito, kundi mababawasan din nito ang kakayahan ng gobyerno na magkaroon ng kakailanganing pondo para sa national vaccination program ng pamahalaan.

“Masasaksihan natin kung paano mawawala lahat ang 50-porsyentong donasyong mga bakuna ng nasabing malalaking kumpanya, donasyong nakamit sa bawat “tripartite agreement” o kasunduan sa pagitan ng mga pribadong kumpanya, vaccine manufacturer at ng gobyerno,” panghihinayang ni Marcos.

“Ang mga kumpanyang ito ang may pinakamalalaking ambag sa kaban ng gobyerno sa pamamagitan ng excise taxes. Parang kabalintunaan ata ang administrative order na ito na itinaon sa panahong tumataas ang mga kaso ng COVID-19 at ilang linggo na lang mula sa deadline ng pagbabayad ng buwis sa Abril,” dagdag ni Marcos.

Nakasaad sa Section 5 ng nasabing administrative order na dapat munang masiyasat ng NTF at DOH ang lahat ng kahilingan ng mga pribadong kumpanya sa pagbili ng bakuna “para masiguro na ang mga pribadong kumpanyang ito na magiging parte ng kasunduan ay walang kaugnayan sa kahit anong industriya ng tobacco, mga produktong saklaw sa ilalim ng EO 51 series of 1986 o ang “National Code of Marketing of Breastmilk Substitutes, Breastmilk Supplement and Other Related Products” o anomang produkto na masama sa kalusugan ng publiko.”

Sinabi naman ni Senador Nancy Binay na maituturing itong discrimination lalo na’t itinutulak ng gobyerno ang bakuna for all na kampanya.

“Hindi pwedeng mag-avail ang mga nagtatrabaho sa milk company, sigarilyo, alak bakit may bahagi ng ating population na di pwedeng mag-avail ng bakuna? That is outright discrimination, dapat nga bakuna for all lalo na ngayon may problema tayo dahil marami sa ating mga kababayan ang ayaw. Parang sinasabi ng pamahalaan na nagtatrabaho kayo sa kanya karma nyo na magka-covid kayo,” diin ni Binay. (DANG SAMSON-GARCIA)

124

Related posts

Leave a Comment