PAGBAWI SA PERANG NINAKAW SA FC SCAM PINABIBILISAN

PINABIBILISAN na ng pamahalaan ang pagbawi sa perang ninakaw sa taumbayan ng mga sangkot sa maanomalyang flood control projects, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon.

Sa isinagawang public auction sa luxury cars ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sara Discaya sa Bureau of Customs (BOC) nitong Huwebes, Nobyembre 20, sinabi ni Dizon na hindi titigil ang pamahalaan para agarang maibalik ang pera ng taumbayan.

Bukod dito, sinisiguro rin na makukulong ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), contractors at iba pang indibidwal na sangkot sa anomalya.

Tiniyak ni Secretary Dizon na umpisa pa lang ito sa marami pang nakaw na yaman na tinitiyak na maibabalik sa pondo ng bayan sa mga susunod na araw at buwan.

Ayon pa kay Dizon, nasa mahigit P100 bilyon ang maaaring kitain ng pamahalaan mula sa ipasusubastang mga sasakyan ng mga Discaya.

Pagtitiyak pa ng kalihim, malapit nang mag-isyu ng mga arrest warrant laban sa mga sangkot sa anomalya at marami pang nakaw na ari-arian ang hahabulin ng pamahalaan upang maibalik sa pondo ng bayan.

Sa isinagawang public bidding, mula sa pitong luxury vehicles ng mga Discaya na kabilang sa mga walang dokumento at ilegal na naipasok sa bansa, tatlo lamang o tanging ang Mercedes Benz G500, Lincoln Navigator at Bently Bentayga ang nasubasta.

Wala kasing bidder para sa Toyota Tundra, Toyota Sequoia at Rolls Royce na may pinakamataas na bid sa halagang mahigit sa P45 milyon.

Ayon sa Bureau of Customs (BOC), 10 ang nagparehistrong bidder pero walo lamang ang dumating.

(JOCELYN DOMENDEN)

65

Related posts

Leave a Comment