Pagbawi sa travel ban, ok lang – OCTA PILIPINAS MALALA NA SA INDIA AT INDONESIA

WALANG bahid ng pagkabahala ang mga eksperto sa desisyon ng gobyernong bawiin ang travel ban para sa mga manlalakbay mula sa bansang una nang pinagsaraduhan bunsod na rin ng mataas na bilang ng mga tinamaan ng nakamamatay na sakit na COVID-19.

Paniniwala ng OCTA Research Group, walang kaso kung buksan man ang Pilipinas para sa mga banyagang nagnanais pumasok sa bansa.

Anila, mas malala na ang sitwasyon ngayon ng Pilipinas kumpara sa India, Indonesia at iba pang bansang dating mahigpit na pinagbabawalang lumapag man lang sa mga paliparan.

Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA, wala silang nakitang anumang pwedeng makapagpalala pa sa sitwasyon sa bansa bunsod ng desisyon ng pamahalaan na tanggalin ang travel ban sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia at Indonesia.

“Actually, tayo na nga ang isa sa pinakamataas na kaso sa Asya. Ibig sabihin baka sila na matakot dito galing India or even Pakistan, mga 4,000 na lang ata sila per day,” ayon kay David patungkol sa pagpapatupad ng bagong polisiya epektibo mula Lunes.

Kung mayroon aniyang dapat matakot, ito ay ang mga mamamayan ng naturang bansa dahil sa mas malala na umano ang sitwasyon natin kaysa sa kanila.

Gayunpaman, panawagan ng propesor sa gobyernong panatilihin ang mahigpit na border security. Aniya, kailangang tutukan ng husto ng gobyerno ang ‘quarantine’ sa mga papasok sa bansa nang sa gayon ay matiyak na hindi malusutan ng mga byaherong positibo sa mas mabagsik na mutated COVID-19 strains tulad ng Delta at Lambda variants.

Sa pagsibol ng Delta virus sa India, pumalo sa 200,000 ang arawang kaso ng COVID-19, na kalaunan ay naglalaro na lamang sa 40,000 kada araw base sa datos ng kanilang gobyerno.

Maging ang Pakista, nakitaan ng malaking pagbabago. Sa datos ng World Health Organization, nasa 3,000 na lamang ang arawang kaso ng COVID-19 sa nasabing bansa sa gitnang silangan ng Asya. (RENE CRISOSTOMO)

124

Related posts

Leave a Comment