ISINUSULONG ni Deputy Speaker at Bacolod City Rep. Albee Benitez ang paglikha ng isang “crisis fund” na magsisilbing panangga sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Benitez, maaaring mangolekta ang pamahalaan ng P1 hanggang P2 sa bawat litro ng produktong petrolyo kapag normal ang presyo nito, at ilaan ang nalikom bilang reserve fund na gagamitin sa panahon ng krisis.
Ipinaliwanag ng mambabatas na maaaring gamitin ang pondong ito kapag umabot sa kritikal na antas—tulad ng $90 hanggang $100 kada bariles—ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado upang mapagaan ang epekto nito sa lokal na presyo.
Binigyang-diin ni Benitez na hindi ito pagbabalik sa regulated oil system kundi isang “hybrid approach” na magbibigay ng agarang pondo sa gobyerno sa oras ng pangangailangan.
Aniya, ang pagkakaroon ng pre-funded mechanism ay magpapabilis sa pagtugon ng pamahalaan kumpara sa kasalukuyang sitwasyon kung saan naghahanap pa ng pondo habang umiiral na ang krisis.
Iginiit din niya ang pangangailangan ng mas “proactive at systematic approach” sa pamamahala ng krisis, kabilang ang paglalagay ng mga pre-positioned mechanisms na agad magagamit.
Aminado si Benitez na kadalasang nahuhuli ang mga hakbang ng pamahalaan dahil ang mga polisiya ay naipatutupad lamang matapos maranasan ang problema.
Binanggit din niya ang kakulangan sa maayos na listahan ng mga benepisyaryo ng ayuda, lalo na sa sektor ng transportasyon at agrikultura, na nagiging sanhi ng hindi pantay na distribusyon ng tulong.
Ayon sa kanya, dapat palakasin ang national ID system at palawakin ang database nito upang maisama ang socioeconomic data, gaya ng sektor, kabuhayan, at antas ng kita, para mas mabilis matukoy ang mga dapat tulungan sa panahon ng krisis.
Dagdag pa ni Benitez, ang institusyonalisasyon ng ganitong mekanismo ay magtitiyak ng awtomatiko at napapanahong pagtugon ng pamahalaan sa mga emergency.
(TINA MENDOZA)
49 