WALANG maling nakikita ang Commission on Elections (Comelec) kung ipagpapatuloy ang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 5 sa gitna ng napipintong pagpapaliban ng halalan sa Oktubre sa susunod na taon.
“In truth, it is clear that we are not prohibited from preparing in advance for the elections. We can prepare early for the elections. This is why, initially, our plan is to really continue preparing,” pahayag ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia.
Ayon pa kay Garcia, magagamit pa rin ang mga supply at paraphernalia na bibilhin para sa botohan sa Disyembre kahit na ipagpaliban ang botohan sa ibang petsa.
Binigyan diin nito, magagamit pa rin ito kahit na-reset at ipinagpaliban ang halalan.
Kahit na aniya sabihin na ang araw ng halalan ay Disyembre 5, 2022, maaari pang maglabas ng resolusyon na nagsasaad na ito ang parehong mga balota na gagamitin para sa Oktubre 2023.
Muling iginiit ni Garcia na tinitingnan ng kanilang legal team ang mga posibleng implikasyon ng napipintong pagpapaliban para makasunod sila sa audit rules and regulations ng gobyerno.
“If the elections are not pushing through, can we still pay our suppliers for the elections? We are looking at this if the law will still allow us,” ani Garcia
Niratipikahan na ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan, ang panukalang batas na nagpapaliban sa BSKE.
Kapag nalagdaan ng pangulo bilang batas, ang 2022 Barangay at SK polls ay ililipat sa huling Lunes ng Oktubre 2023. (RENE CRISOSTOMO)
