NABIGONG tangayin ng 23-anyos na binata ang laman ng donation box sa isang simbahan noong Lunes ng gabi sa Quezon City.
Arestado ang suspek na kinilalang si Erwin Calicdan Concepcion, 23, residente ng Disiplina Village, Bignay, Valenzuela City, makaraang ireklamo ng Parish administrator ng Simbahan na si Mary Novy Siasat Delos Reyes, 30-anyos.
Batay sa report ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas- 6:35 ng gabi nang mangyari ang insidente sa St. Peter Parish Church sa Brgy. Batasan Hills, ng nasabing lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Aerol Palado ng PS 6, nagsasagawa ng inspeksiyon sa simbahan ang guwardiyang si Maximo Tadeo Alcalde Jr. nang mamataan ang suspek na sumakay sa elevator at bumaba sa ground floor kung saan nandoon ang simbahan.
Pasimpleng sinundan ng guwardiya ang binata at nang makitang puwersahang dinistrongka ang kandado ng donation box at mabilis na nilimas ang pera saka ibinulsa ay agad niyang inaresto saka ini-report sa mga awtoridad. (LILY REYES)
