SA hangaring tiyaking payapa ang nalalapit na halalan, mas paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra private armies at loose firearms kasabay ng direktiba ni PNP director-general Guillermo Eleazar para sa paglulunsad ng mga operasyon laban sa mga gun running syndicates.
Partikular na inatasan ni Eleazar ang lahat ng hepe ng lokal na pulisya at area commanders na pag-ibayuhin ang kampanya laban sa loose firearms at pagbuwag sa mga hinihinalang private armies ng mga pulitiko bago pa man sumapit ang 2022 general elections.
Ani Eleazar, mandato ng pulisya ang tiyaking maayos at mapayapa ang gaganaping halalang karaniwang ginagamitan aniya ng “guns, goons and gold.”
“I have already instructed all our chiefs of police and area commanders to intensify the accounting of loose firearms as part of our early preparation for the peaceful, honest and orderly conduct of elections next year,” ani Eleazar.
Aniya, mas mahigpit na proseso sa renewal ng mga lisensyadong baril ang kailangang ipatupad kasabay ng pagtugis sa mga sindikatong pinaniniwalaang sangkot sa bentahan ng mga armas.
“Kasama dito ang maigting na operasyon laban sa mga gun-running syndicates at ang mga baril na matagal nang hindi nare-renew dahil maaari itong gamiting instrumento ng karahasan upang maimpluwensyahan ang resulta ng Halalan 2022,” dagdag pa ng heneral.
Bahagi ng kanilang kampanya ang paghikayat ng mga police units sa mga gun owners na may expired licenses na mag renew ng kanilang firearms registration.
Sa datos ng PNP para sa 2nd quarter ng kasalukuyang taon, aabot na sa 664,480 baril na pag-aari ng mga pribadong indibidwal ang paso na ang mga lisensya. Bunsod nito, minarapat din ni Eleazar na agad na atasan ang PNP intelligence community na tukuyin kung nasaan na ang mga ito.
“Lahat tayo ay nagnanais na magkaroon ng tahimik at tapat na halalan sa susunod na taon subalit ito ay isang adhikain na nangangailangan ng kooperasyon ng COMELEC, ng mga pulis at ng sambayanang Pilipino,” dagdag pa niya. (JESSE KABEL)
