CAGAYAN – Grabeng nasugatan ang isang babaeng estudyante matapos barilin ng kanyang kaklase sa parking lot sa loob mismo ng campus ng kanilang eskwelahan noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang biktimang si “Althea”, residente ng Ilagan City, Isabela at 3rd year Medical Technology student ng St. Paul University sa Ugac Norte, Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon sa report ng Tuguegarao City Police, nakita ng mga guwardiya ang biktima kasama ang suspek na si “Kristian” sa loob ng kotse ng huli.
Nang mapansin na tila nag-aaway ang dalawa, nilapitan ang mga ito ng guwardiya kaya nakalabas ng kotse ang biktima.
Subalit lumabas din ang suspek at binaril ang dalaga na tinamaan sa pisngi.
Agad isinugod ang biktima sa ospital at ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.
Mabilis namang tumakas ang suspek na sumakay sa kanyang kotse pero kinagabihan ay isinuko sa pulisya ng kanyang ama.
Ayon sa Tuguegarao City Police, nanliligaw umano ang suspek sa biktima subalit binasted ng dalaga na siyang pinagsimulan ng kanilang hindi pagkakaunawaan.
Nahaharap sa kasong frustrated murder at paglabag sa election gun ban ang suspek.
Sa inilabas namang pahayag ng St. Paul University, tiniyak nila na kontrolado ng kanilang pamunuan ang sitwasyon at siniguro ang kaligtasan ng mga estudyante.
Tiniyak din ng unibersidad ang kanilang kooperasyon sa imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
617