PAGKAKAISA ANG KAILANGAN

TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG

SA gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, muling nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para sa pagkakaisa at responsableng pamumuno.

Isang makahulugang paalala mula kay Antipolo Bishop Ruperto Santos ang panawagan sa ating mga lider na isantabi ang kani-kanilang pagkakaiba upang magtulungan para sa kapakanan at kaunlaran ng buong bansa.

Hindi maikakaila ang epekto ng alitan sa pagitan ng dalawang pinakamataas na mga opisyal ng bansa.

Ang mga pahayag ni VP Duterte tungkol sa umano’y banta sa buhay nina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez ay nagdulot ng takot at pagkabahala, hindi lamang sa pamahalaan kundi pati na rin sa sambayanang Pilipino.

Gayundin, ang panawagan ng CBCP ay isang malinaw na pagpapakita ng pagnanais na muling magkaisa ang pamahalaan para sa isang mas maayos at matatag na bansa.

Ang ganitong tensyon sa pulitika ay hindi lamang nakasisira sa imahe ng pamahalaan kundi nagpapahina rin sa tiwala ng mamamayan.

Sa halip na magpatuloy sa bangayan, higit na kinakailangan ngayon ang isang gobyernong nagkakaisa at nakatuon sa tunay na paglilingkod sa bayan.

Ang ganitong klase ng pamumuno ay magbibigay ng inspirasyon at magpapakita na sa kabila ng anomang sigalot, nananatili ang responsibilidad na unahin ang kapakanan ng sambayanan.

Nararapat din nating bigyang-pansin ang paanyaya ni Bishop Santos na tulungan ang magkabilang panig sa pagkakasundo.

Malinaw na ang ganitong hakbang ay nagpapakita ng isang makataong tugon na naglalayong magbigay ng espasyo para sa diyalogo at kapayapaan.

Tunay na ang ganitong klase ng liderato—ang lideratong bukas sa pakikinig at pagkakaunawaan—ang magdadala ng progreso at pagkakaisa sa ating lipunan.

Sa huli, mahalagang tandaan ng ating mga lider na sila ay hinirang upang magsilbi, hindi para sa kani-kanilang interes, kundi para sa kabutihan ng lahat.

Nawa’y magtulungan sila upang matiyak na ang Pilipinas ay maihahatid sa landas ng kapayapaan, kaunlaran, at tunay na pagkakaisa.

Ang kapakanan ng sambayanang Pilipino ang dapat laging manaig—sa anomang pagkakataon, sa lahat ng panahon.

242

Related posts

Leave a Comment