MARAMING pagkakataon na nating nasaksihan ang mga magandang epekto ng pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng ating bansa lalo na kapag may kinakaharap tayong pagsubok gaya ng mga kalamidad at ngayon, pandemya. Kapag nagkakaisa ang publiko at pribadong sektor, mas nagiging mabilis at madali ang pagharap sa mga pagsubok. Ito ay muling napatunayan nang matapos at makumpleto na ang ‘We Heal As One Center’ na gagamiting pansamantalang treatment facility para sa mga overseas Filipino worker na isasailalim sa mandatory quarantine at para rin sa mga nagpositibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga probinsya ng Bulacan at Pampanga.
Ang We Heal As One Center ay nakumpleto sa pagtutulungan ng MVP Group of Companies, Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Iglesia ni Cristo (INC). Pansamantalang ipinagamit ng INC ang Philippine Arena na matatagpuan sa Bocaue, Bulacan sa ating pamahalaan para sa laban sa COVID-19. Nakatakda na itong ipaubaya sa pangangasiwa ng Inter- Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Matindi ang suportang ibinibigay ng MVP Group of Companies sa ating pamahalaan para sa paglaban sa COVID-19. Malaki rin ang bahagi ng grupo sa pagtulong sa mga frontliner at mga lokal na pamahalaan. Kabilang sa mga miyembro ng MVP Group of Companies na may bahagi sa pagkumpleto ng pasilidad ay ang Meralco. Nagtayo ng walong konkretong poste at nagkabit ng siyam na transformer upang mabigyan ng kuryente ang tatlong mega-tent. Hindi na rin siningil ng Meralco ang mga ginastos nito sa pagkakabit ng kuryente sa pasilidad at siniguro pa ang tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente rito.
Ang Maynilad naman, kasama ng sangay nito na Philippine Hydro Inc., ay nagsagawa ng libreng pagkakabit ng metro para sa supply ng tubig sa mga pasilidad na ito. Para naman sa komunikasyon, nagbigay ng libreng serbisyo ng WiFi ang Smart Communications. Ang Metro Pacific Tollways Corp naman sa pamamagitan ng NLEX Corp ay tumulong sa pangangasiwa ng trapiko papunta sa nasabing pasilidad. Libre rin ang toll fee ng mga medical frontliner, mga ambulansya, medical service van, at ng mga bus na ginagamit ng support team ng Health department.
***
Habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ), wala halos dumaraan na mga sasakyan sa lansa ngan. Ito na ang tamang panahon para sa DPWH na ituloy ang paggawa sa mga sirang daan kaysa hintayin pa ang pagtatapos ng ECQ. Sa oras na matapos ang ECQ, malamang ay marami ang babalik sa mga lansangan dahil sa tagal na kinailangang mamalagi sa bahay. Marami ang sabik na makalabas at makita ang mga mahal sa buhay. Kung sasabay dito ang paggawa ng mga daan, katakot-takot na pagbubuhol ng trapiko na naman ito.
Maaari pa rin namang ipatupad ang social distancing habang inaayos ang mga daanan. Marahil ay kailangan lamang siguraduhing mayroong mga mask at mga kagamitan para sa kaligtasan ang mga trabahanteng gagawa ng mga daan habang ECQ.
Tiyak mapupuri sila at mapapasalamatan ng mga motorista kung sa kanilang pagbabalik ay maaayos na mga kalsada na ang kanilang dadaanan. Maiibsan din nito ang mabigat na daloy ng trapiko lalo na sa Metro Manila.
Nawa’y samantalahin ng MMDA at DPWH ang panahong ito upang mas mabilis ding maayos ang mga daanan at hindi ito makaabala sa mga motorista.
199
