Pagkakaroon ng Inklusibong Lipunan

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NITONG nakaraang linggo, ipinagdiwang ang 29th National Autism Awareness Week na naging daan para mas mapalawak pa ang kamalayan ng ating lipunan at magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa mga pangangailangan ng mga indibidwal na nasa spectrum ng autism.

Ayon sa Autism Society Philippines o ASP, nasa 1 sa 100 bata sa bansa ang may autism. Sa kabila ng mga datos na ito, nagiging sanhi ng diskriminasyon at hindi pagkakaunawaan ang kakulangan ng edukasyon tungkol dito.

Nabigyan ako ng pagkakataong dumalo sa isang sensitivity training bago ang isang programa para sa mga kabataan na nasa autism spectrum. Sa tulong nito, nalaman kong hindi limitado ang kakayahan ng mga taong may autism – maaaring mayroon silang extraordinary na talino at kasanayan sa mga partikular na larangan tulad ng musika, sining, matematika, at teknolohiya. Hindi rin pare-pareho ang kakayahan, kaya’t mahalaga ring kilalanin ang kanilang mga pangangailangan at tulungan sila upang maabot ang kanilang full potential.

Sa kabila ng mga positibong aspeto ng autism, may mga hamon din silang kinakaharap, tulad ng social communication difficulties at sensory sensitivities. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga na napalilibutan sila ng mga taong may malasakit at tamang kaalaman para maging komportable sila sa kanilang kapaligiran.

Nakabibilib rin ang mga grupo at indibidwal na hindi tumitigil para isulong ang pagkakaroon ng inklusibong komunidad at mga programa para mabigyan sila ng oportunidad at pagkakataon na makisalamuha sa iba sa isang ligtas at supportive na kapaligiran.

Bilang bahagi ng naturang pagdiriwang, nitong Sabado, pinangunahan ng ASP ang “Hoops for All” – isang autism-inclusive na basketball clinic na nagbigay ng pagkakataon sa mga bata na makisalamuha at makipaglaro sa mga propesyonal na basketball players at magkaroon ng dagdag na oportunidad.

Kasama ng ASP ang One Meralco Foundation, Meralco Employees Savings and Loan Association, Meralco volunteers at mismong ang mga manlalaro ng Meralco Bolts na naglaan ng panahon para sa basketball clinic.

Nakatutuwang makita kung gaano kasaya hindi lamang ang mga batang sumali sa aktibidad, kundi pati ang mga magulang at ang mga volunteer na todo ang pag-cheer at pagsuporta sa mga bata habang ginagawa nila ang drills na inihanda para sa kanila ng Meralco Bolts.

Bukod sa pagbibigay ng pagkakataong makapaglaro, naging daan ang naturang aktibidad para magkaroon ng dagdag na kaalaman at matutunan ng mga kabataan ang mga pundamental ng basketball tulad ng dribbling, passing, at team challenges. Kitang-kita kung gaano ka-competitive ang mga bata at kung gaano silang kasabik ipakita ang kanilang galing, at damang-dama rin ang suporta ng mga nasa paligid nila.

Para kay Mona Magno-Veluz, National Spokesperson ng ASP, nagsilbing tulay ang basketball clinic sa pagpapalaganap ng kultura ng inklusyon kung saan ang bawat tao sa spectrum ng autism ay may pagkakataon na magtagumpay sa anomang nais nilang gawin sa buhay.

Nagkaisa ang organizers at volunteers para ipamalas ang kanilang malasakit at mas makilala at maunawaan pa ang mga kabataan sa spectrum ng autism na matuto at magtagumpay.

Para kay OMF President Jeffrey Tarayao, nagbigay ng bagong kahulugan sa salitang pagmamalasakit ang aktibidad. Sa pamamagitan ng oportunidad na ito, mas naka-inspire pa ito na mas magpahalaga at magsikap na maging mas inklusibo sa pagtulong sa mga komunidad.

Nagpapakita ang autism-inclusive na mga programa ng mga konkretong hakbang na maaaring gawin para mas mapadama sa kanila na bahagi sila ng ating lipunan. Nakatutulong din ito sa pagpapalakas ng kumpiyansa, pagpapalawak ng social skills ng mga nasa spectrum, at pagbuo ng isang inklusibong lipunan.

Habang patuloy na tumataas ang kaalaman tungkol sa autism, mahalaga na magtulungan tayo para alisin ang stigma at magbigay ng tamang suporta sa bawat isa.

86

Related posts

Leave a Comment