PAGKANLONG NG SINDIKATO

LUBHANG nakababahala ang mga kaganapan kaugnay ng pasabog ng Commission on Audit (COA) na siyang nagbigay daan sa pagsambulat ng sabwatan ng mga tiwaling opisyales ng gobyerno at mga tinutugis dahil sa kanilang mandamyento de aresto.

Dahil dito, tila natataranta ang Palasyo kung paano sasalagin ang mga sangkot lalo pa’t bahagi nito ang isang mambabatas na kilalang malapit sa Pangulo, mga itinalaga ng Pangulo sa pwesto at mga banyagang nahaharap pala sa patung-patong na kasong isinampa ng mga estado kung saan sila gumawa ng bulilyaso.

Sino ba naman kasing matinong gobyerno ang magkakanlong sa mga wanted sa batas?

Lalong wala naman sigurong matinong Pangulo – lalo pa’t kung ito’y isang abogado – ang ilalagay sa alanganin ang kanyang sarili lalo pa’t batid niya bilang isang abogado na labag sa batas ang pagkanlong sa mga ito.

Sa isang banda, pwede rin naman ito dahil mayroon kasing probisyon sa ilalim ng Saligang Batas na nagbibigay ng immunity sa kanya hangga’t siya ay nasa pwesto. Hindi na rin nakapagtatakang target niya ngayon ay tumakbo ulit sa mas mababang pwesto na ayon mismo sa Pangulo ay kanyang gagamiting kalasag para makaiwas sa asunto.

Ang siste, higit pa sa pagkanlong ang nakikita ng publiko sa pagpasok ng mga Tsino sa mga transaksyon ng gobyerno. Mantakin mong mahagip pa ng mga ito ang mga pinakamalaking kontrata kaugnay ng mga mahal at depektibong suplay na dapat sana’y magbibigay proteksyon sa magigiting na frontliners sa patuloy na laban kontra pandemya.

Mala-sindikato ang diskarte ng isang mambabatas na amuyong ng Pangulo, isang abogadong itinalaga sa pwesto, isang dating presidential adviser at mga Tsinong walang sawa sa pagsasamantala sa kabaitan nating mga Pilipino.

Sa pagdinig ng Senado at Kamara sa kabi-kabilang bulilyaso, lumalabas na mahigit sa P42-bilyong pondo ang nawaldas dahil sa bukod sa nuknukan ng mahal ang face masks na binili ng gobyerno noong isang taon, pawang sub-standard din ito ayon pa sa mga eksperto.

Ang nakapagtataka, ito iyong panahong lugmok ang negosyo sa bansa. Dapat sana’y sa mga gawang-Pinoy ang kanilang binili na bukod sa mura ay tiyak pa ang kalidad.

Natugunan sana nang wasto ang pangangailangan ng gobyerno, nakatulong pa sa mga maliliit na manggagawa at negosyanteng Pilipino.

‘Yun nga lang, walang kikitain ang magnipikong sindikatong ngayon ay litung-lito kung paano makaiiwas sa kulong dahil sila’y bistado.

257

Related posts

Leave a Comment