PAGKUMPUNI SA MGA KALSADANG SINIRA NG LINDOL, PATAPOS NA

MALAPIT nang matapos kumpunihin ang mga kalsada ng Department of Public Works and Highways (DPWH) makaraang sirain ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra nitong nakaraang linggo.

Ito ang ibinida ni Public Works Secretary Manuel Bonoan. Aniya, ang Tagudin-Cervantes Road sa Region 1 at Halsema Highway sa CAR na lamang ang kasalukuyang tinatapos.

Mula ito sa 21 national at secondary roads sa CAR at Region 1 na kabuuang naapektuhan ng lindol.

Sa pagtataya ng DPWH noong Hulyo 29, nasa P396.58 milyon na ang tinatayang halaga ng pinsala sa mga kalsada at imprastraktura na idinulot ng lindol.

Samantala, isasara naman ng DPWH ang Kennon Road sa trapiko para sa kaligtasan dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at banta ng landslide.

Patuloy naman na nakikipagkoordinasyon ang DPWH sa National Historical Commission of the Philippines sa rehabilitasyon ng mga importanteng ‘historical sites’ na napinsala rin.

Kabilang dito ang ilang antigong bahay sa Calle Crisologo sa Vigan, Bantay at Laoag bell tower, Sarrat Church, Vigan Cathedral, at ang Sarrat Heritage municipal hall. (RENE CRISOSTOMO)

540

Related posts

Leave a Comment