TIWALA ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patapos na ang panliligalig ng Communist Party of the Philippine at ng kanilang armadong galamay, base sa kanilang datos, sa sunod-sunod na pagkagapi ng mga nalalabing communist terrorist group at pagsuko ng kanilang mga kasamahan.
Sa ulat ni Major General Roberto S Capulong, Acting Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central sa AFP Headquarters, nasusupil ng kasundaluhan ang mga planong paghahasik ng terorismo ng makakaliwang hanay sa pagkakadiskubre sa taguan nila ng mga armas.
Ayon sa record ng JTFC, may anim na (6) CTGs ang na-neyutralisa ng 6ID nitong mga nagdaang araw, may 86 na rebelde ang sumuko, maraming baril, explosives at iba’t ibang war materials ang nakumpiska ng mga sundalo.
“The confiscation of these arms and other war materials are tantamount to our peace and security in the area. Being one with the government toward its finishing touches to fully end insurgency in the country, I would like to assure the people that your soldiers from JTFC and 6ID are committed to serving the people and protecting the communities,”anang opisyal.
Inihayag naman ni Col. Medel Aguilar, ang bagong tagapagsalita ng Sandatahang Lakas, patuloy umanong humihina ang CPP/NPA/NDF dahil sa pagkatunaw ng baseng masa na kanilang pinagtataguan. (JESSE KABEL)
