BISTADOR ni RUDY SIM
LULUBOG-LILITAW ang yugyugan blues na raket ng ilang kawani ng Bureau of Immigration sa Bay Service Unit ng BI sa Sea Ports sa bansa kung saan ay hindi umano nagdedeklara kung ilan ang dayuhang barko na dumadaong sa ating mga pantalan.
Kung ang BI-Intelligence Division na masipag magsagawa ng operasyon laban sa POGO, ay napababalitang ilang ulit nang nagnakaw ng mamahaling mga kagamitan at pera ng nahuhuling mga dayuhan, maging ang di-umano’y hulidap na pinepera na lamang para hindi na dalhin sa oblo.
Sino kaya itong mataas na opisyal diyan sa Bay Service na ipinagmamalaki ang kanyang kapit sa Senador kaya malakas ang loob nitong hindi siya magagalaw? Ayon sa ating source, ang token na ibinibigay bawat ulo na sakay ng foreign ships na dumadaong sa ating Seaports, ay hindi nakararating sa kaban yaman ng gobyerno kundi diretso sa bulsa ng mga damuhong opisyales dito.
Gaano kaya katotoo na isang mataas na opisyal dito na may anak na nag-aaral sa UP Diliman, ang hindi papakabog sa pakikipagpaligsahan sa anak ng ibang opisyal ng gobyerno… mantakin mo ba naman na nasa kolehiyo pa lamang pero lintik ang sasakyan nitong latest na BMW? Eh ‘di Wow! Sino kayang opisyal ito ng BI?
Dito kaya nanggagaling ang pondo para sa mga kasamahan nating media kuno sa BI na miyembro ng kalabit-penge sa ahensya na umikot kada Biyernes? Kaya pala kahit nakapikit ang mga kasamahan natin ay mabango pa rin ang mga balitang ibinabalita sa kanilang praise release kahit tambak na sa ahensyang ito ang ilang dekada nang nabubulok na basura na hanggang ngayon ay hindi pa nahahakot.
Samantala, kahit pumasok na ang tag-ulan at nasibak na ang mataas na opisyal ng BI na may raket sa negosyo ng yelo sa detention unit sa Bicutan ng nahuhuling dayuhan, ay walang patid pa rin umano ito at sinalo ng mataas na opisyal ng Intelligence Division kung saan ay kumikita ng P5.4 milyon kada buwan sa yelo pa lang, hindi pa kasama rito ang buwanang renta sa ice room na nagsisilbing air conditioned room para sa maperang inmates.
Bakit kaya hindi kayang sibakin ang warden dito, dahil ba kapatid ni Kume at ni Mang Kanor ng intelligence sa Mason? Kamusta na kaya itong kupal at bopols na opisyal dito, na sa sobrang katangahan na utusan ang kanyang mga tauhan para i-surveillance ako ay daig pa ang COVID kung magkalat ng kabobohan.
Sa susunod ay ating ibibisto naman ang tulad ng kanya-kanyang diskarte umano sa BI Intelligence ng mga tauhan ni Mang Kanor na nagbubukulan sa kita sa hulidap? Ilan nga rito sina alias “Charie”, “Matel”, “Bato” at itong si alias “Peter Parker” na kababayan ko pa pero matakaw rin sa pananamantala sa mga dayuhan. Abangan!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
