PUNA Ni JOEL AMONGO
NAGIGING paulit-ulit na lang ang problema ng mga Pinay domestic helper sa Kuwait na hanggang ngayon ay hindi nareresolba ng ating gobyerno.
Batay sa nakuhang impormasyon ng PUNA mula mismo sa mga nanggaling at nagtrabaho sa Kuwait, talagang maraming inaapi, minamaltrato na humahantong sa kamatayan ng Pinay domestic helper sa bansang ito.
Tulad halimbawa ang kanilang sweldo, pag-alis nila sa Pilipinas, ang kanilang pinirmahang kontrata ay P25K kada buwan, pagdating sa Kuwait ay daraan na naman sa panibagong agency kung saan ay nababago ito at hindi na nasusunod ang kanilang nilagdaan sa agency sa Pilipinas na P25K sweldo.
Maraming pang mga benepisyo ng DH ang hindi naibibigay sa kanila ng kanilang mga amo sa Kuwait.
Marami rin sa kanila ang hindi pinapakain ng tatlong beses sa loob ng isang araw ng kanilang mga amo at pinagtatrabaho sila ng sobra sa oras araw-araw.
Sabi nga nila ‘trabahong kalabaw’ at hindi sila pinasusweldo nang tama at halos ayaw pa silang pagpahingain ng kanilang mga amo.
At marami sa mga DH ay pinagsasamantalahan ng kanilang among lalaki o kung hindi naman ay ang kamag-anak nito ang nang-aabuso.
Ayon pa sa sumbong sa atin ng ilang OFW, bihira sa mga Pinay DH sa Kuwait na may among lalaki ang hindi napagsasamantalahan ng kanilang amo o kamag-anak nitong lalaki.
Marami kasi sa mga Pinay DH sa Kuwait ang sadyang nakikipag-relasyon sa kanilang among lalaki kapalit ng perang ibibigay nito.
Kaya hindi nakapagtataka na hanggang ngayon ay hindi natitigil ang insidente ng pagmamaltrato at napapatay na Pinay DH sa Kuwait.
Bakit kamo? Kapag nabulilyaso ang relasyon ng Pinay DH sa kanyang among lalaki ay pinagmumulan ito ng away ng mag-asawa.
Kung hindi ang kanyang among babae ang papatay sa kanya dahil sa selos na naging karelasyon niya ang kanyang among lalaki, ang among lalaki mismo ang papatay sa kanya para mawala ang galit ng kanyang asawa.
Sa pangyayaring nakikipag-relasyon ng Pinay DH sa kanyang among lalaki, nadadamay ang ilang Pinay DH na ang layunin ay maghanapbuhay lamang sa Kuwait, dahil nagiging parehas na ang tingin sa kanila ng mga lalaking Kuwaitis na madali silang nakukuha kapalit ng pera.
Kaya ang solusyon sa problemang ito ay hindi lamang dapat magmumula sa gobyerno ng Pilipinas kundi mismo sa mga Pinay DH na pumapasok sa Kuwait.
Naitanim na kasi sa isipan ng mga lalaking Kuwaitis na ang mga Pinay DH na nagtatrabaho sa kanila ay madali nilang nakukuha kapalit ng pera.
Kahit ano pang gawin ng gobyerno ng Pilipinas na pakikipag-usap sa Kuwait government para sa proteksyon ng mga Pinay DH sa nabanggit na bansa, kung magpapatuloy sila na makikipag-relasyon sa kanilang mga amo ay hindi matitigil ang patuloy na karahasan sa kanila.
Mas makabubuti sigurong ‘wag nang magpadala ng Pinay DH sa Kuwait dahil sa kanila lang naman nagsisimula ang problema.
Sa professional OFWs sa Kuwait ay wala namang mga ganitong isyu ng pangmamaltrato at pagpatay sa kanila ng mga may-ari ng kumpanyang kanilang pinaglilingkuran.
Dapat bigyan din ng pinakamabigat na parusa ang mga tauhan ng Philippine Embassy o POLO sa Kuwait na nagpapabaya sa kanilang mga trabaho at nang-aapi rin sa OFWs.
May mga reklamo na nakarating sa PUNA na mismong mga tauhan ng Philippine Embassy o POLO ang nang-aabuso sa OFWs na lumalapit sa kanila.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
