PAGPAPATULOY NG LIBRENG SAKAY PROGRAM, MALAKING TULONG SA MGA KOMYUTER

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

NANG pumasok sa ating buhay ang pandemyang COVID-19, isa sa mga industriyang ­lubhang naapektuhan nito ay ang industriya ng transportasyon. Pansamantalang huminto ang operasyon ng lahat nang magpatupad ng ­enhanced community quarantine (ECQ). Naging matinding hamon para sa pamahalaan ang pagpapatuloy ng operasyon ng mga ­pampublikong transportasyon sa gitna ng krisis pangkalusugan.

Upang makontrol ang pagkalat ng virus, maging sa mga pampublikong sasakyan ay kinailangang ipatupad ang social distancing kaya’t limitado lamang ang kapasidad ng mga ito. Halimbawa, kung nasa 50 katao ang maaaring isakay ng bus, kalahati lamang nito ang pinahihintulutan ng pamahalaan. Lumiit tuloy ang kita ng mga operator ng mga pampublikong transportasyon.

Sa katunayan, marami sa mga operator ay nagdesisyong pansamantalang ihinto ang operasyon dahil sa mas malaki ang ginagastos kaysa sa kinikita ng mga ito. Kasabay pang tumaas ang presyo ng gasolina at diesel. Naapektuhan naman ang mga mananakay na kinakailangan pa ring pisikal na pumasok sa trabaho gaya ng mga healthcare worker at iba pang frontliner, dahil walang masakyan ang mga ito.

Bilang tugon, inilunsad ng pamahalaan ang programang Libreng Sakay upang mahikayat ang mga operator ng mga pampublikong transportasyon na magpatuloy sa operasyon nito sa kabila ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at upang maibsan ang gastos ng mga ­komyuter sa pagbiyahe.

Bagaman napakaganda ng programang ito, kung babalikan, nagkaroon ng usap-usapan noong nakaraang taon na walang badyet na nailaan ngayong taong 2023 para sa programang ­Libreng Sakay. Sa paliwanag ng Department of Budget Management (DBM), hindi aniya ito regular na programa ng pamahalaan.

Tila nagawan ng paraan ang pondo para rito dahil inanunsyo kamakailan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatuloy ng programa matapos aprubahan ng DBM ang pondo para rito na nagkakahalagang higit P1.2 ­bilyon.

Batay sa datos ng LTFRB, umabot sa halos 160 milyon ang kabuuang bilang ng mga komyuter na natulungan ng programang Libreng Sakay noong ikatlong yugto ng pagtakbo nito. Mismong si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara ang nagsabi na ang naturang programa ay maituturing na isa sa pinakamakabuluhang inisyatiba ng pamahalaan nitong panahon ng pandemya. Mas lalo pang dadami ang matutulungan ng programa ngayong halos normal na ang takbo ng buhay sa kabila ng pananatili ng pandemyang COVID-19. Bagaman maliit ang aprubadong badyet kumpara sa orihinal na hinihingi ng Department of Transportation (DOTr) na P12 bilyon, ang mahalaga ay magpapatuloy ang naturang programa.

Nawa’y dumami pa ang mga programang gaya ng Libreng Sakay na talaga namang marami ang nakinabang. Ang tagumpay ng programang ito ay tagumpay ng industriya ng transportasyon at ng mga komyuter. Nawa’y sa pagpapatuloy nito ngayong 2023, mas lumaki pa ang pondong mailaan para sa programa. Baka ito na rin ang solusyon upang mahikayat ang mga may pribadong sasakyan na gumamit ng pampublikong transportasyon para lumuwag ang daloy ng mga sasakyan sa bansa.

382

Related posts

Leave a Comment