Noong huling linggo ng Hulyo, tayo ay nabigla sa balitang may kumakalat na sakit sa mga alagang baboy sa ating bansa partikular sa lalawigan ng Rizal. Kaya agad tayong kumilos at nakipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan na nakasasaklaw sa ganitong industriya – ang Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry ((DA-BAI).
Ang napaulat na African Swine Fever (ASF) ay kinumpirma ng DA nitong unang linggo ng Setyembre, matapos na lumabas sa pagsusuri na nagpositibo ang blood samples na kinuha sa mga baboy na namatay.
Nang pumutok ang balitang ito ay agad tayong nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Rizal, sa mga nagmamay-ari ng babuyan at iba pang stakeholders upang hikayatin ang mga ito na makiisa at makipagtulungan upang maiwasan ang pagkalat ng ASF at mabilis na masugpo ang sakit na ito.
Upang mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit sa baboy ang DA – BAI sa pakikipagtulungan ng mga apektadong LGU ay nagpatupad ng “one-seven-ten” policy bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na isailalim sa quarantine ang kanilang bayan at maiwasan ang pagkalat nito sa iba pang lugar.
Malaking dagok ito sa industriya ng babuyan pero kailangang ipairal ng DA ang quarantine measure at isakripisyo ng magbababoy ang kanilang mga alaga para tuluyang masugpo ang pagkalat ng ASF upang mapangalagaan din ang kabuhayan at kalusugan ng mga tao.
Tayo ay nagpapasalamat sa DA dahil sa mabilis nilang pagsaklolo sa LGU at mga hog raiser sa pamamagitan ng pagbibigay ayuda sa mga naapektuhan kung saan P3,000 pesos sa kada baboy ng apektadong hog raiser ang paunang ibinigay ng naturang ahensiya.
Aminado ang DA na kulang ang kanilang pondo para tulungan ang mga hog raiser na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa African Swine Fever (ASF) pero nakahanda naman ang ahensiya na magbigay ng loan sa mga magbababoy.
Sa kasalukuyan, patuloy ang kagawaran sa pagpapahiram ng P30,000 sa affected hog raisers ng walang interes.
Nabatid ng DA na bilyung-bilyong pisong halaga ang kakailanganin upang tuluyang makabangon ang industriya ng hog raising industry sa bansa kaya hinihimok nito ang mga lokal na pamahalaan na magbigay din ng ayuda sa hog raisers na apektado ng ASF para makapagsimulang muli.
Bilang mambabatas, sinisikap din natin na makahanap ng pondo para matulungan ang mga kababayan nating hog raisers sa Rizal na naapektuhan ng ASF at magkaroon ng alternatibong pagkukunan ng kabuhayan sa araw-araw habang may perwisyo pang sakit sa mga babuyan. (Forward Now / Rep. FIDEL NOGRALES)
