AKOOFW Ni Doc Chie Umandap
LUBOS akong natutuwa na mismong sa isang Kuwaiti sa katauhan ni Bassam Al Shamarri nagmula ang panawagan sa pagtataas ng sweldo ng ating Household Service Workers (DH) sa Kuwait
Nitong nakaraan Lunes ay lumabas sa pahayagang Arab Times sa Kuwait ang kinakaharap na krisis sa nasabing bansa sa larangan ng pagkuha ng mga kasambahay sa Pilipinas kasunod ng nalalapit na expiration period ng kontrata ng mahigit 105,000 na mga domestic helper o 25% na babaeng manggagawa sa Kuwait.
Malaki ang demand ng Kuwait sa mga DH dahil kilala ito sa larangan ng kasipagan at pagiging malinis, ngunit kakaunti na lamang ang mga nais pang magtrabaho rito dahil sa mababang pasahod.
Para sa akin, long overdue na kasi ang pagtataas ng sahod para sa mga OFW Household Service Workers (DH) sa Kuwait lalo pa at sa kasalukuyang patakaran ay tanging mga dati nang nagtatrabaho sa ibang bansa o may experience na OFW ang kanila lamang pwedeng bigyan ng visa. Ang halagang $400 o katumpas ng halos 20,000 ay maaaring kitain ng mga Pilipino sa ating bansa na hindi na kinakailangan iwan ang kanilang pamilya.
Kung babalikan, marami nang beses nagkaroon ng salary increase ang mga empleyado ng gobyerno maging ng mga private company sa Kuwait ngunit ang sweldo ng mga Domestic Helper ay nanatili sa $420. Sa aking pananaw ay makabubuting itaas sa $500 pataas ang maging standard na sweldo upang mas maging katanggap-tanggap ito para sa mga nagbabalak magtrabaho sa Kuwait.
Kung sakaling madagdagan ang sweldo ng mga DH, tanging mga employer na may magandang hanapbuhay ang maaaring maka-avail ng serbisyo ng ating mga OFW.
Sa ganitong paraan, mas mababawasan ang mga insidente ng mga “unpaid salary” na malimit na nagiging dahilan ng pag-aaway ng DH at employer na humahantong sa sakitan o worst case ay umuuwing wala nang buhay ang ating mga bayaning OFW.
28