‘GUNS, GOONS AND GOLD’ ‘DI SASANTUHIN NG PULISYA, MILITAR

NAGBABALA si Philippine National Police chief, Police General Rommel Francisco Marbil na wala silang sasantuhin sa kanilang kampanya kontra “guns, goons, and gold” kaugnay sa gaganaping May 12 Midterm Election.

Binigyang diin ni Gen. Marbil, tutugisin din nila ang mga kasapi ng PNP maging ng militar na mapatutunayang sangkot sa pagsuporta sa mga kakandidato

Ayon sa heneral, bahagi rin ito ng kanilang kampanya kontra “guns, goons, and gold”, bukod sa pagtugis at pagwasak sa hinihinalang private armed groups na minamantini ng ilang hinihinalang warlords o politiko.

Nanawagan si Gen. Marbil sa mga pulis, gayundin sa militar na panatilihing apolitical ang kanilang hanay, mariin nitong inihayag ang pagtugis sa mga police at military personnel na sangkot sa pagbibigay ng suporta sa politicians, bilang bahagi ng kampanya labans sa “goons.”

“Let us be apolitical. Let’s give dignity to our uniform,” ayon sa heneral.

Samantala, pinaghahandaan din ng PNP ang mga bagong hamon na kahaharapin sa paparating na eleksyon partikular ang pagpapakalat ng “fake news” at pinangangambahang massive vote buying gamit ang mga e-wallet, at iba pang financial apps.

Ayon sa kay Marbil, nakikipag-ugnayan na sila sa Commission on Elections (Comelec) para matalakay ang vote-buying sa pamamagitan ng e-wallets.

Nabatid na maging ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay binabantayan ang finance apps na posibleng magamit sa vote buying.

“Dati, three Gs lang eh. Ngayon, three Gs and one F – fake news. ‘Yon ang magiging problema natin,” ani Marbil.

Naniniwala ang opisyal na malaki ang magiging impact sa mga botante sa pagpili ng kanilang mga kandidato at maging sa reputasyon ng mga kandidato na kayang kayang sirain sa pamamagitan ng fake news gamit ang iba’t ibang social media platforms.

“Fake news will dictate who will win, Kasi talagang siraan ito eh. Paano natin makokontrol ‘yan sa media, sa social media, sa internet, sa Facebook natin kung mga maling impormasyon ang pinapalabas nila?” (JESSE KABEL RUIZ)

44

Related posts

Leave a Comment