PAGTALAKAY SA WAGE HIKE PETITIONS, PINAMAMADALI

KASABAY ng Labor Day, nanawagan si Senadora Risa Hontiveros na bilisan ang pagrepaso sa mga petisyon na may kinalaman sa pagtataas ng regional minimum wage rate dahil sa pagtaas ng cost of living sa nakalipas na tatlong taon na nagtulak sa kahirapan sa maraming minimum wage earners.

“What’s taking so long? Ano mang delay sa paglalabas ng desisyon ukol sa minimum wage ay pwedeng magdulot ng kagutuman o kawalan ng pag-asa sa mga manggagawa na makaahon pa sila sa patong patong na bayarin,” pahayag ni Hontiveros.

Una nang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakatakda nilang suriin ang minimum wage sa gitna ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo. Sa kasalukuyan, ang minimum na sahod sa Metro Manila ay nasa P537 at mas mababa sa iba pang rehiyon.

Sinabi ng Senador na ang take home pay ng mga minimum wage earners ay hindi na sasapat sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain, transportasyon at mga public utilities sa nakalipas na tatlong taon.

“Tatlong taon nang walang adjustment sa regional minimum wages. Tumaas na ang gastos sa kuryente, pamasahe, pagkain at kinailangan pang gastusan ang internet. Oras na para tingnan at pag-aralan dahil hindi na sasapat ito sa gastusin ng mga pamilyang Pilipino,” dagdag ni Hontiveros.

Iginiit pa ni Hontiveros na hindi makatarungan at hindi makatao na habang tumataas ang productivity ng mga manggagawa nitong nakaraang dekada, ay pareho lang ang purchasing power ng kanilang sahod at ngayon ay mas bumababa pa.

“Hindi pwedeng marami ang nagagawa at natatapos ng mga empleyado pero kakarampot pa rin ang kanilang sinasahod. Kailangang humabol ang pagtataas ng minimum wages, hindi lang sa presyo ng mga bilihin, kundi sa pagtaas din ng productivity ng mga manggagawa,” giit pa ng senador.

Hinimok din ni Hontiveros ang DOLE na mas seryosohin ang pagpapatupad sa minimum wages, dahil bago pa man ang pandemya ay may nasa 1 sa 4 na manggagawa ay tumatanggap ng sahod na mas mababa sa regional minimum wage rate.

“DOLE should report on the process of enforcing the implementation of past minimum wages. Base sa 2018 Labor Force Survey, may nasa almost 10 million of the 41 million employed workers ang hindi nakakatanggap ng minimum wage,” sabi ni Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na hindi pa huli ang lahat para aksyunan ng mga employer at ng mga ahensya ng gobyerno. Umaasa siya na agarang ilalabas ng Malacanang ang mga bagong appointment sa mga business representatives sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards upang mapabilis ang pagrepaso sa minimum wage at agad na makabuo at makapaglabas ng desisyon.

“Ngayong Labor Day, maging hudyat sana ito ng pagkilos ng mga ahensya ng gobyerno para unahin ang kapakanan ng mga manggagawa. Dahil ang tunay na pagkilala sa kanila ay pagbibigay ng makataong sweldo at tamang benepisyo para sa kanilang serbisyo,” diin nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

371

Related posts

Leave a Comment