MABILIS na aksyon pa rin ang nakikitang paraan ng isang government infectious disease expert sa paglaban kontra sa higit na mabagsik na Lambda variant sa bansa.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante ng San Lazaro Hospital, higit na mahalagang mabilis na matukoy ng pamahalaan ang mga taong positibo sa COVID-19, kasabay na din ng agarang pagsasalang sa mga positibong indibidwal sa genome testing.
Ayon kay Solante, nakapagsumite na din aniya sila ng istratehiyang wala naman halos pinag-iba sa paraang ginamit sa pagtugon sa Delta variant. Aniya, kapwa mabilis makahawa ang dalawang variants kaya naman dapat aniyang isaalang-alang ang oras lalo pa’t madali at higit na mabilis ang pagdapo ng virus mula sa isang taong positibo na dito.
Aniya, magkahalintulad ang mutation ng Lambda sa kanyang ‘spike protein’ na nakita rin sa ibang mga variants of concern tulad ng Delta.
Sa kasalukuyan, nagdudulot na ang Lambda ng ‘surge’ sa pinagmulang bansa nito sa Peru at maging mga karatig-bansa na Argentina at Chile.
“There is a possibility that the transmissibility will be the same as that of the Delta variant… We know that the Delta can multiply faster, and has more viral load. And if this Lambda variant can behave as such, then we have another variant that can be a driver or a possible cause of surge of cases,” paalala ni Dr. Solante.
Panawagan pa ni Solante, dobleng kayod ng pamahalaan sa pagbabakuna. Hiling din niya sa publiko ang ibayong disiplina at pagsunod sa mga ipinatutupad na health protocols.
Wala namang katiyakan ang balitang vaccine-resistant ang Lambda variant kung dalawang doses lang ang ituturok sa isang indibidwal.
Gayunpaman, nanatiling bawal ang pagbibigay ng ikatlong dose o ang tinatawag na booster shots bunsod na din ng kakulangan sa suplay.
Kalye isinara
Samantala, isinara ang isang kalye sa Sampaloc, Manila noong Linggo ng tanghali na tatagal ng apat na araw makaraang makapagtala ng 10 bagong kaso ng COVID-19.
Kabilang sa mga bagong kaso ang isang sanggol at isang 7-anyos na bata.
Agad namang inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso si Manila Social Welfare Department chief Re Fugoso na magpadala ng kinakailangang tulong sa nabanggit na lugar
habang nagpadala na rin ng team ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa ilalim ni chief Arnel Angeles, para magsagawa ng disinfection sa lugar.
Sa ulat, ang Barangay 532 sa ilalim ng pamumuno ni Chairwoman Zeny Laurel, ay humiling ng food assistance para sa apektadong mga residente ng Alindada St. sa Sampaloc.
Ayon kay Chairwoman Laurel, magpoposte ng mga barangay tanod sa bawat dulo ng apektadong kalye upang matiyak na walang lalabag sa mga residenteng sakop ng lockdown.
(RENE CRISOSTOMO)
183 