TINAWAG ng chairman ng House committee on ways and means na ‘historical mistake” ang ibinigay na prangkisa sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at dapat din aniyang isoli nito sa mga consumer ang ilegal na kinolektang P204.3 billion.
“We correct our historical mistakes,” ani Albay Rep. Joey Salceda kaya kailangang amyendahan ang prangkisa ng NGCP at alamin kung may paglabag sa anti-dummy law dahil ang State Grid Corporation of China (SGCC) ang namamahala rito gayung 40% lamang ang kanilang parte sa kumpanya.
Ayon sa mambabatas, tanging ang NGCP sa lahat ng mga binigyan ng prangkisa ang nagbabayad lamang ng 3% na Franchise Tax habang ang lahat ay 5%.
Bukod dito, hindi rin nagbabayad ng Corporate Income Tax (CIT), Value-Added Tax (VAT) and Real Property Tax (RPT) ang NGCP na dapat aniyang baguhin o itama.
Sa kabila ng mga tax exemption na ibinigay rito ng gobyerno, sobra-sobra naman ang siningil ng NGCP sa consumers dahil mula 2016 hanggang 2020 ay P387.8 billion ang kanilang kinita gayung P183.5 billion lamang ang inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Nangangahulugan na umaabot sa P204.3 billion ang ilegal na kinolekta ng NGCP sa mga consumer na dapat irefund aniya ng kumpanya.
“There is a 204.3 billion that has been computed by the ERC as being in excess of each WACC (Weighted Average Cost of Capital). And, there is no provision in law. That’s the problem,” paliwanag ng mambabatas sa pagdinig kahapon.
Aalamin din aniya ng komite ang nationality ng mga may-ari ng OneTaipan na pag-aari ng Monte Oro Grid Resources Corp., at Pacifica2 ng Calaca High Power Corp., na may hawak sa 60% ng NGCP shares upang matiyak na hindi nalabag ang anti-dummy law.
Nabatid na ang Chinese national na si Zhu Guangchao ang chairman ng kumpanya.
“The official website of China’s Belt and Road Initiative says the State Grid gained the ‘right to run’ the Philippine grid,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
191
