PAHIYA ANG CHINA

NOONG 2020 nagpadala ang China ng kanilang health experts kuno sa Pilipinas para tumulong sa pagsugpo sa ­COVID-19 na nagsimula sa Wuhan, China hanggang sa kumalat sa buong mundo.

Hindi kagandahan ang assessment ng medical experts kuno ng China sa Pilipinas sa preparasyon sa pandemya dahil wala raw tayong sapat na pasilidad para sa mga magkakasakit.

Sa awa ng Diyos at sa tulong ng western countries ay nalag­pasan natin ang pandemya matapos ang dalawang taon na nagdulot ng paghihirap ng sambayanang Pilipino at ikinamatay ng halos 60,000 katao.

Hindi na masyadong pinapansin ang COVID-19 sa Pinas lalo na’t marami na ang nabakunahan at nagkaroon ng kumpiyansa ang mga tao matapos makakuha ng vaccines na hindi gawang China.
Marami pa rin ang nag-iingat siyempre tulad ng pagsusuot ng facemask at marami pa rin ang nagdadala ng alcohol para ­panghugas sa kanilang kamay tuwi-tuwina.

Pero sa China, mukhang parami nang parami pa ang nagkaka-COVID kaya nagpatupad ng hard lockdown si Xi Jinping sa iba’t ibang lugar sa kanilang bansa at ang pinakahuli ay ang Shanghai.

Hindi lang napapabalita sa mainstream media sa China dahil kontrolado nila ang media roon pero milyon-milyong quarantine facilities ang ipinatayo ni Xi Jinping at kahit ang mga walang COVID-19 basta nagkaroon ng isang kaso sa kanilang komunidad o kaya gusali nila kung saan sila nakatira, ay dadalhin sila sa quarantine facilities sa ayaw at sa gusto nila.

Layon daw nito na makontrol ang pagkalat ng COVID-19 dahil ayaw mapahiya ni Xi Jinping sa international community at ipinagmamalaki nila na nakokontrol nila ang pandemya.

Sa katunayan, ang tindi ng mga banat ng trolls ng China sa United States dahil hindi raw alam ng Amerika kung papaano i-manage ang pandemya sa kanilang bansa.

Wala raw tatalo sa kanila pagdating sa management ng sakit kaya kokonti lang daw ang nagkasakit sa kanila bagay na kuwestiyonable sa buong mundo dahil mahigit isang bilyon ang kanilang populasyon.

Pero kung pagbabasehan mo ang mga report sa social media na may kasamang ebidensya pa tulad ng pictures at video, hindi totoo na nakokontrol ng China ang pandemya kahit ginagamitan pa ng kamay na bakal ang pag-manage sa COVID-19.

Marami ang nagkakasakit pero dahil sa ego ni Xi Jinping, ayaw nilang ilabas ang katotohanan pero sa kaso ng Shanghai kung saan nakabase ang international media, lumalabas na ang katotohanan.

Hindi sa gusto nating ­maraming magkasakit sa China. Tulad ng lahat, idinadalangin ko na sana ay wala nang magkakasakit at mamatay sa COVID-19 pero dapat hindi itago ni Xi Jinping ang katotohanan (ulit).

Noong magsimula ang ­COVID-19 sa Wuhan China noong November 2019, nangapa ang buong mundo dahil limitado ang impormasyon na inilalabas ng gobyerno ni Xi Jinping kaya kumalat ang pandemya sa buong mundo. Umabot sa 491 million ang nagkasakit at 6.15 million naman ang namatay.

Kailangang ibaba ni Xi Jinping ang kanyang ego para sa sangkatauhan at huwag na rin niyang pahirapan ang kanilang mamamayan dahil marami na raw ang nagpapakamatay dahil sa gutom kapag nagpapatupad siya ng lockdown.

170

Related posts

Leave a Comment