NAGHIGPIT na rin at isinailalim sa temporary self-quarantine ang ilang lugar sa Calabarzon AT Mimaropa dahil sa banta ng COVID-19.
Sa bayan ng Lucban, Quezon, kinansela na ang pagdiriwang ng makulay na Pahiyas Festival ngayong taon.
Sa Executive Order ni Lucban Mayor Celso Olivier Dator, ipinakakansela muna ang lahat ng malalaking event na gagawin mula Maso 15 hanggang 31. Kabilang ang Buhusan at Pahiyas Festival na mga dinarayo tuwing buwan ng Mayo ay kinansela na rin.
Sa Lucena City, hinigpitan na rin ang pagpasok at paglabas ng mga residente at mga motorista.
Simula alas-6 Biyernes ng gabi, Marso 13, ay nagsagawa na ng checkpoint sa lahat ng entry at exit points sa Lucena matapos magpatawag ng coordination meeting si Lucena City Mayor Roderick Alcala sa iba’t ibang sektor at maitatag ang Inter Agency Task Force ng lungsod para sa COVID-19.
Nananatili namang negatibo sa kaso ng COVID-19 ang lalawigan ng Quezon at Lucena City.
Sa San Juan, Batangas, ipinag-utos na rin ni Mayor Ildelbrando Salud ang suspensyon ng lahat ng tourism activities sa nasabing bayan.
Pansamantalang ipagbabawal ang pagtanggap ng mga turista lokal man o dayuhan, sa lahat ng resorts kabilang na ang dinarayong beach resorts sa Laiya.
Sa Batangas naman, may dalawa nang naitalang positibong kaso ng COVID-19.
Sa Marinduque, total ban ang lahat ng papasok sa isla na manggagaling sa Metro Manila at mga lugar na may kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Ito ay sa bisa ng dalawang order na ipinalabas ni Governor Presbitero Velasco Jr.
Kung hindi magbabago ang sitwasyon, inaasahan na maaapektuhan din ang Moriones festival na ipinagdiriwang sa Marinduque tuwing Holy Week.
Sa Mindoro, inilabas ni Governor Humerlito Dolor ang Executive Order No. 2022 na pansamantalang nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhan sa kanilang isla matapos isailalim sa lockdown ang Oriental Mindoro. NILOU DEL CARMEN
485 