PALASYO KUMAMBYO SA POGO

PINABULAANAN ng Malakanyang na may ibinibigay na favoritism ang pamahalaan sa hanay ng mga nasa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) industry kaya ito muling pinahintulutang mag-operate.

Ito ang tiniyak ng Malakanyang kasunod ng pasya at pagkakasama sa guidelines ng IATF na maaari nang makapag-operate ang POGO sa mga GCQ area maging sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, nasa iisang uri o klase lang naman ang POGO at ang Business Process Outsourcing o BPO na dati na namang kabilang sa exemption simula pa nang maipatupad ang ECQ.

Binigyang diin ni Sec. Roque na hindi rin casino ang POGO dahil ang hardware lamang nila ang naririto sa bansa habang nagaganap ang gaming sa abroad at hindi dito sa Pilipinas.

Sabi pa ni Sec. Roque, hindi naman agad-agad makapag-o-operate ang mga nasa POGO dahil kailangan munang makatugon ng mga ito sa ilang rekisitos.

Kabilang dito ang pangangailangang makakuha muna ng tax clearance mula sa BIR at clearance mula sa PAGCOR ang mga operator ng POGO.

ESPESYAL

Nauna nang kinuwestyon ng ilang mambabatas ang muling pagbubukas ng POGO.

“Ano ang espesyal sa mga Chinese POGO worker?”

Ito ang ibinatong tanong ni House committee on dangerous drugs chairman Robert Ace Barbers sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management Of Emerging Infectious Disease matapos payagan ng mga ito na mag-operate muli ang POGO sa bansa.

Ayon kay Barbers, hindi makatarungan sa mga Filipino worker ang desisyon ng IATF na payagang bumalik na sa kanilang trabaho ang may 300,000 Chinese POGO workers na posibleng magkalat ng virus.

“Nakakalito, at medyo parang biased in favor of POGOs ang kanilang policy na payagan ang higit sa 300,000 na Chinese workers na makabalik sa kanilang trabaho samantalang milyun-milyung mahirap na Filipino workers ang nahinto sa trabaho at pilit na sumusunod sa patakaran ng IATF,” ani Barbers.

Luging-lugi aniya rito ang mga manggagawang Filipino dahil habang nagdurusa ang mga ito sa loob ng kanilang bahay at sumusunod sa patakaran ng gobyerno upang masugpo na ang COVID-19 ay tuloy naman ang ligaya ng mga dayuhang ito.

Dagdag pa ng mambabatas ay dapat na rin sigurong payagang muling makapagtrabaho ang mga daily-wage earner kung babalik na ang POGO workers. CHRISTIAN DALE, BERNARD TAGUINOD

189

Related posts

Leave a Comment