IPATUTUPAD na ang cashless payments sa tinatayang 180 Local Government Units (LGUs) sa pamamagitan ng Paleng-QR PH sa mga pampublikong pamilihan at pagsakay sa pampublikong transportasyon.
Kasama sa cashless payment ang sari-sari store, market stalls, at maging ang mga tricycle.
Sa katunayan ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na sa 180 LGUs, may 127 ang nasa Luzon, 33 sa Visayas, 15 sa Mindanao at 5 sa National Capital Region.
Inilunsad ng LGUs ang programa sa lokal lamang o nagpalabas ng patakaran sa pagpapagana para suportahan ang implementasyon.
At upang makapanghikayat pa ng mas malawak na adopsyon, sinabi ni Castro na Department of Interior and Local Government (DILG) sa pakikipagtulungan sa Bangko Sentral ng Pilipinas, magpapatuloy na mag-alok ng ‘technical assistance’ sa LGUs kabilang na ang suporta para sa ‘digital account onboarding, merchant integration at financial literacy.’
“Sa tulong ng DILG at BSP, mas marami pang LGU ang matuturuan at maihahanda sa pag-shift sa cashless system,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na layunin ng Pangulo na gawing mas ligtas at madali ang pagbabayad ng bawat mamamayang Pilipino at ito ang isinusulong ng Paleng-QR PH. Cashless aniya ang kinabukasan ng lokal na ekonomiya.
Samantala, ang pinalawak na paggamit ng cashless payments sa public markets at local transportations sa pamamagitan ng Paleng-QR PH program ay gagamitan ng digital device gaya ng cellphone apps para sa transaksyon.
(CHRISTIAN DALE)
