KINASTIGO ni Senador Senador Francis “Tol” Tolentino ang umano’y bara-barang gawain ng ilang ahensya ng pamahalaan sa paglalatag ng mga Implementing Rules and Regulations (IRRs) na mistulang sumasapaw sa tunay na layunin ng mga batas na ipinapasa ng Kongreso.
Sa kanyang privilege speech, tinukoy nito ang mga desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa mga kaakibat na IRR ng ilang piling batas na kumukontra mismo sa panuntunan ng tunay na nakasaad dito.
Giit pa ng senador, hindi lamang ang pagkakaroon ng maling interpretasyon ng mga batas na ipinasa ng Kongreso ang naging bunga ng ilang malasadong IRR, napagkaitan din umano ng pagkakataon ang mga Pilipino na matamasa ang tunay na benepisyo at karapatan na ipinagkakaloob ng mga nasabing batas.
Idinagdag pa ni Tolentino, posibleng iba na ang kahulugan ng batas kung sablay ang mga IRR na nakapaloob dito.
Pagsisiwalat ng senador, hindi bababa sa 50 hanggang 60 na kaso ang binigyang linaw ng Korte Suprema dahil sa maling interpretasyon ng ilang government agencies sa ilang piling batas dahil sa
palpak na IRR.
At para maiwasan ang paglalatag ng mga IRR na posibleng magligaw sa tunay na kahulugan ng batas, iminungkahi ni Tolentino na limitahan ang partisipasyon ng mga ahensya sa pag-buo ng mga IRR habang masusi pa ring sinusunod ang “separation of powers” sa ilalim ng 1987 Constitution.
Ayon sa mambabatas, mas maganda na payagan ang mga senador at kongresista na mapabilang sa mga magbibigay ng suhestyon sa paglalatag ng IRR ng mga ipapasang batas kasama ang ehekutibo, gamit ang oversight functions ng Kongreso.
Kabilang sa mga binigyang diin ni Tolentino ang kaso ng Pharmaceutical and Health Care Association of the Philippines laban kay Health Secretary Francisco Duque III (GR No. 173034) noong 2007, kung saan tinalakay ang legalidad ng Executive Order No. 51, na may kinalaman sa “Milk Code.”
“The Milk Code limited its coverage to infants 0-12 months old but the IRR extended it to young children up to 3 years. The Milk Code allowed advertisements as long as they were approved by the
agency, but the IRR prohibited them totally,” paliwanag ni Tolentino.
Sa kaso naman ng GMA-7 laban sa Commission on Elections (COMELEC)—sa ilalim ng G.R. No. 205357—noong 2014, pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang probisyon sa IRR ng ahensya na may kinalaman sa dami ng political advertisement tuwing halalan dahil labag umano ito sa Fair Elections Act.
Sa ilalim ng nasabing batas, bawat kandidato maging sa nasyunal man o lokal ay dapat hindi lumagpas sa 120-minuto at 60-minutong television commercial, at 180-minuto at 90-minuto naman
sa radio—hindi tinukoy sa batas kung ang time limit ay base sa aggregate o kada istasyon. (NOEL ABUEL)
197 