CAYETANO ITINUTULAK PAGPAPALAKAS SA ENGINEERING BRIGADE NG DND

ITINUTULAK ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang karagdagang pondo para palakasin ang engineering brigade ng Philippine Army sa ilalim ng Department of National Defense (DND), upang mapalawak ang papel nito hindi lamang sa pambansang depensa kundi maging sa pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad.

Sa plenary deliberations ng Senado nitong Biyernes para sa panukalang 2027 budget ng DND, iminungkahi ni Cayetano ang pagbuo ng tatlo hanggang limang taong plano para unti-unting mapalakas ang kakayahan at kagamitan ng engineering brigade.

Ayon sa senador, hindi lamang dapat nakatuon ang militar sa counterinsurgency operations kundi dapat ding makatulong sa pagpapabuti ng kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya ng mga komunidad, partikular sa mga kanayunan.

“My small push this afternoon is if we can have a three-year or five-year plan to really build up these engineering brigades, not only for combat but for multi-use, especially in a lot of rural areas,” ani Cayetano.

Ipinaliwanag niya na maaaring gamitin ang kakayahan at kagamitan ng engineering brigade sa disaster response, rehabilitasyon ng imprastraktura, pagpapaunlad ng komunidad at pagtugon sa mga kakulangan sa serbisyong panlipunan.

Maaari rin umanong makatulong ang mga makinarya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mabilis na paglilinis ng mga kalsada at pagtatayo ng mga pansamantalang daanan kapag may kalamidad.

Binigyang-diin din ni Cayetano na mahalagang makuha ng militar ang tiwala at suporta ng mga mamamayan dahil malaking bahagi ng mga lugar na may insurgency ay nakararanas din ng kakulangan sa serbisyong panlipunan.

Iminungkahi rin niyang gamitin ang pananaliksik at mga teknolohiyang nalilikha para sa military defense sa mga proyektong kapaki-pakinabang sa mga sibilyan, partikular sa civil engineering at arkitektura.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang posibleng pagtulong ng militar sa mga komunidad na naapektuhan ng El Niño kung mayroon itong sapat na kagamitan at teknikal na kakayahan.

Iginiit ng senador na mahalagang mamuhunan sa pagpapalakas ng engineering brigade kahit paunti-unti itong ipatupad sa loob ng limang taon.

“I will leave the numbers to you. But it’s good if they have a startup fund this year and then they can build it up in five years,” ani Cayetano.

Naniniwala siyang magiging kapaki-pakinabang ang naturang pamumuhunan dahil mapagsisilbihan nito kapwa ang pangangailangan sa pambansang depensa at ang pag-unlad ng mga komunidad.

52

Related posts

Leave a Comment